Nina Francis T. Wakefield at Leslie Ann G. Aquino
Labis ang naging pasasalamat ni Father Teresito “Chito” Suganob kahapon para sa mga nagdasal sa kanyang kaligtasan matapos siyang ma-rescue nitong Sabado sa lugar ng bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Sa maikling pahayag sa harap ng mga miyembro ng media, tiniyak ni Fr. Suganob na maayos ang lagay ng kanyang kalusugan at kailangan lamang niyang magpahinga matapos ang haos apat na buwang pagkakabihag sa kanya ng mga terorista ng Maute Group.
Matatandaang tinangay si Fr. Suganob, 51, kasama ang nasa 10 iba pa, ng mga miyembro ng Maute noong Mayo 23, ilang oras makaraaang kubkubin ng mga terorista ang siyudad.
“Maraming salamat sa inyo. I’ll pray for you. God bless you all and pray for me also, for my healing and recovery.
Thank you very much and God bless you all,” sabi ni Fr. Suganob.
Gaya ng ibang naililigtas na bihag, sasailalim din ang paring Katoliko sa healing at reintegration programs.
Ayon sa pahayag sa Facebook page ng Duyog Marawi, ang social action center ng Prelature of Marawi, sinabi ni Bishop Edwin Dela Peña na nailatag na ang plano para sa nasabing programa para sa mga nailigtas na bihag.
Kabilang dito ang general medical check-up at hospital confinement. Pagkatapos lumabas sa ospital, sasailalim naman sa trauma therapy ang mga bihag.
Samantala, sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na nasa 45-50 pa ang bihag ng Maute sa ngayon, habang pinaiigting ng puwersa ng militar ang opensiba kontra sa mga terorista.