Ni: Gilbert Espeña
HANDA na si five-division world champion Nonito Donaire Jr. sa kanyang pagbabalik sa featherweight division sa pagsabak kay Mexican Ruben Garcia Hernandez para sa WBC Silver featherweight title sa Sabado sa San Antonio, Texas sa Estados Unidos.
Unang nagsanay si Donaire sa Tokyo, Japan bago niya itinuloy malapit sa kanyang bahay sa Las Vegas, Nevada kaya nasa light training na lamang siya ngayon ilang araw bago ang sagupaan.
Nagpasiya si Donaire na muling umangat sa featherweight division matapos iwasan ng umagaw sa kanyang WBO super bantamweight title na si Mexican American Jessie Magdaleno sa kontrobersiyal na desisyon noong Nobyembre 5, 2016 sa Las Vegas.
Nagtatakbo lamang sa loob ng 12 rounds si Magdaleno pero pinanalo ng tatlong hurado na pinili ni Top Rank big boss Bob Arum kaya nagpalit na ng promoter si Donaire at lumipat Ringstar Sports na pag-aari ni dating Golden Boy Promotions big boss Richard Schaefer.
May rekord si Donaire na 37-4-0 na may 24 panalo sa knockouts at minsan niyang natamo ang WBA featherweight title noong 2015 nang mapatigil sa 6th round si Simpeke Vityeka ng South Africa.
Minsan naman naging WBC Carribean Boxing Federation champion si Hernandez na may kartadang 22-2-1 na may 9 pagwawagi sa knockouts.