Ni: Marivic Awitan

NAKASENTRO ang atensiyon kay CJ Perez, ngunit hindi alintana ni MJ Ayaay ang pagiging No.2.

Subalit sa pagkakataon na naiatang sa kanya ang pagiging lider, hindi nagatubili si Ayaay na gampanan ang tungkulin.

Ang kabayanihan na ipinamalas niya sa 94-92 pagbangon ng Lyceum of the Philippines Pirates kontra Arellano University ay sapat na para hirangin si Ayaay bilang Chooks to Go NCAA Press Corps Player of the Week nitong nakalipas na linggo.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Nanganganib maputol ang kanilang unbeaten run matapos mapag iwanan ng 13-puntos ng Chiefs sa fourth period, ngunit kumana si Ayaay at sa pakikipagtulungan kina Perez at Jaycee Marcelino nagawang makahabol ng Pirates.

Nang mag fouled out si Perez sa huling dalawang minuto ng laro, higit na nangibbaw ang husay ni Ayaay.

Nagposte si Ayaay ng limang sunod na puntos kabilang na ang go-ahead basket may 7.3 segundong nalalabi sa laro

“Nakikinig kami sa isa’t isa. Gusto lang talaga namin manalo. Tambak kami, we just stayed positive parin,” pahayag ni Ayaay.

“Kahit natatambakan kami lagi ko lang sila minomotivate. Di kami nawawalan ng pag-asa naniniwala kami na sa atin to, kaya natin to,” aniya.

Napatunayan lamang nito ang laging sinasabi ng kanilang coach na si Topex Robinson na malalim ang kanyang team at hindi ito koponan lamang ni CJ Perez.

“As much as we love having CJ around, this team is more than just a CJ Perez squad,” ayon kay Robinson.

“Of course CJ is a very big part of our team, but even he knows that he’s just a part of the team and that we can without him,” aniya.

Ang mga tinalo niya para sa parangal ang kakamping si Jaycee Marcelino, JV Mocon ng San Beda , College of St. Benilde forward Edward Dixon at JRU guard Tey Teodoro.