Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi ng Office of the Civil Defense (OCD) na hindi “distraction strategy” at walang pulitika sa likod ng desisyon na magdaos ng ikatlong nationwide simultaneous earthquake drill sa Setyembre 21.

Ito ay matapos iulat na magkakaroon ng malawakang demonstrasyon sa Setyembre 21 na nagmamarka ng ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ng namayapang si Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon ay OCD spokesperson Romina Marasigan, sa loob ng 10 taon na ngayon, palagi namang isinasagawa ang nationwide simultaneous earthquake drill kada quarter.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ipinaliwanag niya na huli na nila naipahayag ang petsa dahil kailangan muna nilang makumpirma ang availability ng pilot area sa Bacoor City, Cavite.

“Wala pong politika yun. We do this regularly, quarterly, kung ano po ‘yung availability ng ating local government units,” aniya sa mga mamamahayag sa Malacañang kahapon ng umaga.

“Yung announcement came late lang po because we had to discuss this with the local government of Cavite. Pinlantsa lang natin ‘yung schedule doon before we made the announcement. Nakapagbigay na tayo ng ating memorandum already with our DRRM (Disaster Risk Reduction and Management) officers,” patuloy niya.

Isasagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Regional DRRM Councils ang third quarter nationwide simultaneous earthquake drill sa Huwebes ng hapon sa Strike Gymnasium, Bacoor City, Cavite.