Ni: PNA
NAGTANIM ang pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ng 6,000 buto ng iba’t ibang uri ng punongkahoy, kasabay ng taunang pagdiriwang ng “Fiesta sa Kakahuyan” nitong Sabado, Setyembre 16.
Ang Fiesta sa Kakahuyan ay isang taunang kapistahan kung saan ang mga Ilonggo ay nagbibigay ng importansiya sa pagpapanatili ng kagubatan sa pamamagitan ng malawakang tree-planting activity. Kasalukuyang ipinagdiriwang ng probinsiya ang ika-18 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Inihayag ni Iloilo Governor Arthur Defensor, Sr., sa kanyang press conference nitong Huwebes, na ang gaganapin ang event sa river bank sa Barangays Bongol at Balanac sa bayan ng Janiuay.
Nasa 1,000 ang makikiisa sa aktibidad, na binubuo ng mga empleyado ng kapitolyo, mga nagboluntaryo mula sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno, mga non-government organization, mga kinatawan mula sa sektor ng negosyo, at iba pang mga stakeholder.
Sinabi ng gobernador na ang aktibidad ay magsisilbi ring suporta sa programa ng pamahalaang panlalawigan, ang Action for Re-greening and Transformation for Climate Change Adaptation (ART for CCA).
Layunin ng lalawigan taun-taon na makapagtanim ng 1.5 milyong puno, kabilang ang mga namumunga, sa iba’t ibang lugar sa probinsya, sa ilalim ng programang ART for CCA.
Ngunit binigyang-diin ni Defensor na sinimulan na rin ng probinsiya ang malawakang pagtatanim ng cacao at kape.
Ipinahayag din ng gobernador na inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang P10 milyon supplemental budget para sa malawakang pagtatanim.
“We will utilize that to procure seedlings for cacao and coffee because the province of Iloilo is embarking on a province- wide and massive cacao and coffee planting,” aniya.
Sa ngayon, sinabi ng gobernador na isinasapinal na nila ang programa tungkol sa pagtatanim, pamamahagi, at paglalaan ng pondo.
Sa umpisa, sinabi niyang nagdesisyon ang pamahalaang panglalawigan na bumili ng “grafted seedlings” ng cacao at kape para sa mas mabilis na produksiyon. Siniguro rin ni Defensor na natukoy na nila ang mga lugar sa buong probinsiya na akmang pagtaniman ng dalawang puno.
Una rito, target ng Provincial Agriculture Office (PAO) ang 90 ektarya ng lupa sa iba’t ibang lugar sa probinsiya para taniman ng cacao at kape.
Kabilang sa mga lugar sa akmang pagtaniman ng cacao at kape ang mga munisipalidad ng Calinog, Lambunao, Janiuay, Passi, Alimodian, Leon at mga nasa hilagang bahagi ng probinsiya, gaya ng Ajuy, Lemery, at iba pa.