MAGKAKAROON na ng subway sa Metro Manila pagsapit ng 2025—o walong taon mula ngayon. Ang unang bahagi ng proyekto ay magsisimula sa Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa papasok ng Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque City. Sa ngayon, aabutin ng tatlong oras ang biyaheng ito sa lansangan. Sa subway, tatagal lamang ng 30 minuto ang biyahe, ayon sa mga nagplano ng proyekto.
Nakatutuwang malaman na mayroon tayong ganitong uri ng plano sa harap ng matinding trapikong nararanasan sa buong Metro Manila. Nagsimula nang kumilos ang gobyerno para sa subway, na ang P355.6-bilyon pondo ay inaprubahan kamakailan ng National Economic and Development Authority, at may plano pang dugtungan ito kalaunan, mula sa hilaga sa Caloocan City hanggang sa katimugan sa Dasmariñas City sa Cavite.
Matatandaan nating marami nang plano upang palawakin o dagdagan ang mga kalsada sa Metro Manila na hindi pa rin nakukumpleto hanggang ngayon. Ilang taon nang ginagawa ang elevated highway na nag-uugnay sa North at South Expressways, nakapagitna sa siksikang trapiko ang mga wala pang porma na istruktura nito, subalit mistulang naantala ng hindi pagkakasundo sa right of way ang pagkumpleto sa proyekto.
Naghahanap ng mga paraan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang kahit paano ay mapausad ang trapiko—nilinis ang maliliit na kalye sa mga nakaparadang sasakyan, inilipat ang mga terminal ng bus palayo sa Epifanio delos Santos Avenue, ipinagbawal ang mga sale ng shopping mall tuwing Sabado at Linggo, masusing pinag-aaralan ang mga plano upang malimitahan ang bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan, at maraming iba pa.
Ang lahat ng hakbanging ito ay nakatulong upang bahagyang mapaluwag ang trapiko. Subalit tunay na ginhawa ang mararanasan kapag natapos na ang mga elevated highway. Kilala ng ilang bansang gaya ng China, Japan, at Singapore sa pagkumpleto sa mga proyektong pagawain at imprastruktura sa itinakdang panahon. Mistulang hindi ito kabilang sa ating mga kakayahan sa ngayon.
Tunay na nakatutuwang mabatid ang mga bagong proyektong tulad ng subway, na popondohan ng P355.6-bilyon utang mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) na may napakababang interes na 0.10 porsiyento kada taon, at babayaran sa loob ng 40 taon. Gayunman, mahalagang tiyakin ng mga nagpaplano ng proyekto na hindi maaantala nang ilang buwan o taon ang mga schedule dahil lamang sa ilang problemang gaya ng right of way.
Inaasahan nating masisilayan na natin ang elevated expressway mula sa SLEX hanggang NLEX sa loob ng isa hanggang dalawang taon. Pagkatapos nito, aasahan naman natin ang subway system na dapat na magagamit na sa 2025, kung higit na magpupursige ang mga kasalukuyang opisyal ng ating mga pampublikong pagawain kumpara sa mga pinalitan nila.