Ni RUEL SALDICO
NAGA CITY – Matagumpay na idinaos ang Fluvial Procession nitong nakaraang Sabado sa Bicolandia, hudyat ng pagtatapos ng Peñafrancia Festival. Mag-aalas tres ng hapon nang simulan ang prusisyon ng Divino Rostro (Holy Face of Christ) at ang imahe ng Patron ng Bicol, si Nuestra Señora de Peñafrancia (Our Lady of Peñafrancia).
Sa mga kuhang litrato mula sa drone, halos hindi mahulugang-karayom ang mahigit dalawang milyong mananampalataya na nakibahagi sa prusisyon mula sa Naga Metropolitan Cathedral hanggang sa Tabuco Bridge kung saan naghihintay ang sasakyang pagoda sa Bicol River.
Maaliwalas ang panahon kaya naging mabilis ang pagdaraos nito hanggang sa maiabot ang imahe ng Birhen sa mga pari.
Sa pagoda, panandaliang nagdasal ang mga pari sa pangunguna ni Archbishop Rolando Tirona bago pinasimulan ang pagbiyahe sa tubig kasama ang imahe ng El Divino Rostro.
Sa kuha mula sa itaas, nagpapalakpakan ang mga tao -- lalo na nang laglagan ng confetti ang Patron ng Kabikulan ng mga kawani ng Philippine Air Force team.
Sa magkabilang pampang ng ilog at sa mga tulay na dinaraanan ng fluvial procession, nagsisipagwagayway ng panyo ang mga deboto, mula mga bata hanggang matatanda.
Ang Fluvial Procession ay nagtapos bandang alas singko, nang maisampa ito sa Naga Basilica Church na agad pinagdausan ng Misa sa ground upang mapagkasya ang napakaraming tao.
Tinatayang umabot sa mahigit 2 milyon ang sumaksi at nakibahagi sa Fluvial Procession, ayon kay Allen Reodanga, ang tagapagsalita ng local government ng Naga City.
Ang Philippine Air Force unit ng AFP ay kabilang sa mga naging miyembro ng 2017 Peñafrancia celebration joint operations task force kasama ang air ambulance team para sa rescue sakaling kailanganin.
Anila, nanggaling sila sa halos dalawang buwan na walang humpay na rescue operations sa Marawi City.
Muling naidaos nang mapayapa ng lokal na pamahalaang panglungsod ng Naga sa pangunguna ni Mayor John Bongat ang taunang Peñafrancia na nag-umpisa pa noong Setyembre 8 at nagtapos naman ng Setyembre 18, kaya pinasalamatan niya ang lahat ng bumubuo ng joint operations center task group.
Maging ang Task Force Peñafrancia sa pamumuno ni Col. Joselito Pastrana ay isinagawa ang mahigpit na seguridad sa buong lungsod na may Army Rescue Team ding nakatalaga at nakalatag ang mga sundalo upang mapanatiling mapayapa ang pinakamalaking Marian celebration sa Asia.
Gayunpaman, ang Peñafrancia Festival sa panahon ng social media ay sabay-sabay nang isinasagawa ng mga Bicolano saanman sa mundo.
Ang Simbahang Katoliko naman sa pamumuno ni Archbishop Tirona ay binigyan ng prayoridad ngayong taon ang mga barangay tanod at health workers na nakasakay sa pagoda. Taun-taon ay iba’t ibang mga grupo ang kanilang prayoridad na pinasasakay -- na dati ay mga kilalang pulitiko, artista, at VIP. Nang magsimula ang pamumuno ni Archbishop Tirona ay nagbago ito na nagustuhan ng maraming deboto na nagmumula pa ang karamihan sa malalayong probinsiya at bansa.
(Ang mga larawan ay kuha ni Ruel Saldico at mga ibinahaging kuha ng Naga Smiles to the World FB account at nina Ernie Cledera, Arnel Eclarinal, Van Eldon Huerno, Brian Reondanga, Johnhell Cabusas, Dante Garcia, Daniel Balmaceda, Lyndon Bulahan, Manuel Amasa, Jigz Sadiua, Sylranjrlvic Villaflor, Mel Cortez, Lennon Salen, at Jay Relativo.)
[gallery ids="265609,265610,265611,265612,265613,265618,265617,265616,265615,265614,265619,265621,265622,265623"]