Nina BETH CAMIA at FER TABOY
Kinumpirma kahapon ni Chief Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na na-rescue na ng tropa ng pamahalaan si Father Teresito “Chito” Suganob at ang isang umano’y guro na kapwa ilang buwan nang bihag ng Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Dureza, ang impormasyon ay ipinaabot sa kanya ng kanyang staff sa Office of the Presidential Adviser for the Peace Process (OPAPP)—si dating Iligan City Mayor Franklin Quijano—na nakabase sa Iligan City, sinabing bandang 11:00 ng gabi nitong Sabado ang makita si Suganob malapit sa Bato Ali Mosque.
Kinumpirma rin ni Marawi Crisis Management Committee head Zia Alonto Adiong sa kanyang Twitter account ang pagkakaligtas sa Katolikong pari.
Napaulat na nakatakas ang pari, kasama ang isa pang bihag, habang abala ang mga terorista sa pakikipagbakbakan sa puwersa ng gobyerno.
2 ISTRUKTURA NABAWI
Nabatid na napilitan ang Maute na abandonahin ang Bato Mosque sa Marawi City, isa sa tatlong stronghold ng mga terorista at pinagkublihan sa mga bihag, dahil sa pinaigting na operasyon ng militar sa nasabing lugar.
Bukod sa Bato Ali Mosque, nabawi rin ng puwersa ng gobyerno mula sa mga terorista, bandang 5:00 ng hapon nitong Sabado, ang Amaitul Islamiya Marawi Foundation (JIMF). Matatandaang una nang nabawi sa Maute ang Grand Mosque noong nakaraang buwan.
'ANSWERED PRAYERS'
Labis naman ang naging pasasalamat ni Iligan City Bishop Elenito Galido sa mga sundalong nagligtas kay Suganob, na itinuturing nilang “good news at answered prayers.”
Gayunman, tumanggi kahapon ang Malacañang na kumpirmahin ang pagkakaligtas kay Suganob at sa isa pang bihag, dahil makaaapekto umano ito sa nagpapatuloy na operasyon ng militar at pulisya sa Marawi.
“As per guidance from the Armed Forces of the Philippines (AFP), we refrain from making comments on the latest developments in the main battle area of Marawi at this time; as ongoing operations may be jeopardized, as well as the lives of the remaining hostages, or soldiers in the frontlines,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Sa isang pahayag, iginiit naman ni Col. Edgard Arevalo, chief ng Public Affairs Office ng AFP, na patuloy pa rin nilang bina-validate ang impormasyon hinggil sa pagkaka-rescue kay Suganob.
IPINASUSUKO
Kasabay nito, nanawagan si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa mga natitira pang miyembro ng Maute at maging sa mga bihag na ginawang Maute fighters, na sumuko na lamang sa militar.
Mayo 23 nang sapilitang tangayin ng Maute Group si Suganob at nasa 10 parishioner makaraang sunugin ang isang Simbahang Katoliko ilang oras matapos salakayin ng mga terorista ang Marawi.
May ulat nina Argyll Cyrus Geducos at Mary Ann Santiago