Sinabi ni Pangulong Duterte na nalilito siya kung bading o pedophile si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon dahil sa umano’y pagkahumaling nito sa pagkamatay ng mga teenager nitong nakaraang buwan.

Ito ay matapos magpahayag ng pagkabahala ang CHR sa mga kahina-hinalang pagkamatay ng mga teenager, gaya nina Kian delos Santos, 17; Carl Angelo Arnaiz, 19; at Reynaldo de Guzman, 14 anyos.

Sa kanyang talumpati sa Davao City nitong Sabado ng gabi, tinanong ni Duterte kung bakit paulit-ulit na binabanggit ng CHR ang tungkol sa pagkamatay ng mga teenager sa halip na mag-move sa ibang isyu.

“Why can’t you move on to other issues that are besetting this country? ‘Yun na lang? Basta may mamatay na bata, eh nangyayari ‘yan. Nangyayari maski saan,” ani Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Eh ito si Gascon, ilang araw na puro teen—teenager, parang pedophile kang p**** i** ka. Bakit ka mahilig masyado sa teenager? Are you? Nagdududa tuloy ako, eh. Bakla ka o pedophile ka?” dagdag ni Duterte.

Ayon kay Duterte, hindi titigil ang droga sa bansa nang dahil sa pagkamatay ng mga teenager.

“Just because there are some people who died there, and even teenagers, it doesn’t mean to say na (that) you have to stop. We cannot stop,” aniya.

CHR BUDGET

Samantala, sinabi ni Duterte na kung hindi ibibigay ng Kamara ang panukalang 2018 budget para sa CHR, dapat na gamitin na lang ang pondo sa mga body camera para sa Philippine National Police (PNP).

Ito ay kasunod ng kontrobersiyal na aksiyon ng Kamara nang bigyan ng P1,000 budget ang CHR para sa 2018.

“Kung ayaw ninyong isauli ‘yung pera d’yan sa CHR, why don’t you invest the money para to buy equipment for the police na lahat ng pulis sa Pilipinas?” sambit ni Duterte. - Argyll Cyrus B. Geducos