ANG patuloy na pagdami ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV), bukod sa malaking usapin para sa Department of Health, ay dapat ding masusing pagtuunan ng pansin ng mga lokal na pamahalaan.
Ito ay ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada.
“It is bad enough that thousands of people get infected with HIV every day, so no one should remain complacent. Fighting this epidemic requires the determined effort of everyone, especially us local officials,” aniya.
Nanawagan si Estrada sa kanyang mga kapwa alkalde na isama sa kanilang mga prayoridad na proyekto at pagpopondo ang komprehensibong programa sa kamalayan sa Acquired Immune Deficiency Syndrome o AIDS at pagpigil sa sakit sa kani-kanilang hurisdiksiyon.
Kamakailan ay tinukoy ng pamahalaang lungsod bilang HIV treatment club ang ospital na pinangangasiwaan ng siyudad, ang Sta. Ana Hospital.
Nakatupad ang ospital sa basic requirements ng Department of Health upang matukoy bilang HIV treatment facility, gaya ng pagkakaroon ng laboratoryo para sa paggamot at analysis ng HIV-infected blood, mga trained personnel para sa counselling sa mga pasyenteng mayroong HIV, pati na rin ang mga highly trained na nurse at iba pang medical staff, at pagpapaganda at pagbili ng mga kinakailangan sa pasilidad, pahayag ni Estrada.
Ang 500-bed, 10-story na Sta. Ana Hospital ay isa sa anim na pampublikong ospital sa lungsod na sumailalim sa P500-milyon renovation sa ilalim ng administrasyon ni Estrada. - Department of Health