Ni: Clemen Bautista
TUWING sasapit ang ikatlong Linggo ng Setyembre na panahon ng pamumulaklak ng mga talahib sa bundok at parang, ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia—ang patroness ng mga Bicolano. Ang kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia ay isa sa pangunahing kapistahan sa iniibig nating Pilipinas na idinaraos sa Naga City na ang dating pangalan ay Nueva Caceres. Ito ay dinadaluhan ng libu-libong katao na may debosyon at panata sa Mahal na Birhen. Kabilang sa mga dumadalo sa pagdiriwang ay ang mga balikbayang Bicolano at ang mga dayuhan at lokal na turista.
Ayon sa kasaysayan, ang orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia (Nuestra Senora de Peñafrancia) ay natagpuan ni Simon Vela, isang Pranses, sa paanan ng bundok ng Sierra de Francia, isang bundok na nasa pagitan ng dalawang lalawigan. Ang lalawigan ng Salamanca at ang probinsiya ng Caceres. Sinasabing isang gabi ay nakarinig si Simon Vela ng tinig na nagsasabing huwag siyang matulog at magtungo sa Peña de Francia na isang lugar na nilulubugan ng araw. Doon matatagpuan ang larawan ng Mahal na Birhen na pag-uukulan ng malalim na debosyon. Hindi nag-aksaya ng oras si Simon Vela. Hinanap niya ang imahen sa dakong kanluran ng France.
Matapos ang matagal na paghahanap na bumilang ng taon, hindi natagpuan ang imahen ng Mahal na Birhen. Nagpasiya si Simon Vela na itigil ang paghahanap. Ngunit isang gabi ay muling nakarinig ng tinig si Simon Vela na nagsasabing huwag tumigil sa paghahanap sa imahen. May naghihintay na gantimpala sa kanyang mga sakripisyo at siya’y magiging dakila. Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia ay natagpuan noong Mayo 19, 1534, matapos alisin ang isang malaking bato na nakatakip sa imahen ng Birhen ng Peñafrancia. May mga biyayang natanggap si Simon at sa kanyang mga kasamang nakakuha sa imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Gumaling ang sugat sa ulo ni Simon Vela. Naglaho ang problema sa mata ni Pascual Sanchez, nakarinig ang bingi na si Juan Fernandez, naging normal ang mga daliri ni Benito Sanchez.
Ang opisyal na dokumento ng mga milagro at ng pagkakatagpo sa imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia ay nilagdaan sa harap ng isang Notary Public sa Peña de Francia at sa ngayon ay nasa archives na ng San Martin de Castanar.
Ang pagdating ng imahen ng Birhen ng Peñafrancia sa Pilipinas ay naganap noong ika-17 siglo nang ang isang pamilyang Kastila, mula sa San Martin de Castanar, ay dumating at naninirahan sa Cavite. Naging pari ang anak na lalaki ng pamilya. Nag-aral ito sa Unibersidad ng Sto Tomas. Nang magkaroon ng malubhang sakit ay namintuho at nagdebosyon sa Birhen ng Peñafrancia at gumaling.
Ang simbahan ng Birhen ng Peñafrancia ay ipinagawa ni Bishop Isidoro Arevalo noong 1750. Ang nobena at kasaysayan ng Birhen ng Peñafrancia ay isinulat naman ni Msgr. Francisco Gainza, isang kilang Dominican luminary. At noong 1924, ang imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia ay kinoronahan batay sa decree o utos ni Pope Pius Xl bilang pagkilala sa matapat na pamimintuho ng mga mananampalataya.
Sinisimulan ang pagdiriwang ng kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia sa pamamagitan ng nobena tuwing ikalawang Biyernes ng Setyembre. At bago ang nobena, ang imahen ng Birhen ng Peñafrtancia at ang Divino Rostro (mukha ni Kristo) ay kinakarga ng mga nakayapak na vayadores. Mula sa Peñafrancia shrine ay inililipat sa Metropolitan cathedral. Tampok naman sa kapistahan ang fluvial procession sa ilog ng Naga hanggang sa Basilica matapos ang siyam na gabing nobena.
Sa tabi o gilid ng ilog, nakatayo ang mga tao na nanonood ng pagoda. May hawak na mga kandila at nagdarasal habang nagdaraan ang imahen ng Birhen ng Peñafrancia. Sa mga Bicolano, ang Birhen ng Peñafrancia ang kanilang kinatawan sa kanyang anak na si Jesus. Inililigtsas sila sa mga karamdaman, sakuna, at bagyo.