REBELASYON ang galing ng rapper/hip-hop artist na si Abra sa Cinemalaya 2017’s most-awarded indie film at pinag-usapan, ang Respeto. Bukod sa kahusayan sa pagiging musikero, nanggulat din siya sa galing niya sa pag-arte.
Sa Respeto, nagkrus ang landas nina Hendrix (Abra), isang ambisyosong hip-hop artist, at matandang poet na si Doc (Dido de la Paz), na isa palang aktibistang survivor ng brutal na nakaraang Martial Law. Magkaiba man sila ng mundo at henerasyong kinamulatan, nabuo ang isang pagkakaibigan na bihira nang mangyari sa kasalukuyang panahon.
Dahil sa ganda ng kuwento, kapuri-puring pagganap at direksiyon ni Alberto Monteras mula sa Arkeo Films tumanggap ito awards gaya ng Best Picture, NETPAC (Network for the Promotion of Asian Cinema) Prize, Audience Choice. Pinalakpakan din ang performances nina Dido at Abra.
Bukod kay Abra, kasama niyang makipagbakbakan sa rapping si Loonie, ang MC Rappers na sina Mike Swift, Spekz Abbaddon, J Skeelz, Mike Rosa at M-Zhayt. Introducing ang female rap artist na si Luxuria.
Third movie ito ni Abra na unang lumabas sa Boy Pick Up The Movie at Kubot Aswang Chronicles matapos umingay ang pagiging rapper niya.
Mapapanood ang Respeto sa Setyembre 20, isang araw bago ang paggunita sa Martial Law, mapapanood ito sa Cine Adarna sa UP sa Setyembre 19, 7 PM, bilang kick off sa komemorasyon sa 45 taon na mula nang ideklara ang Batas Militar.