IKINALUNGKOT ng samahan ng mga paediatrician, na nakatuon sa mga nakahahawang sakit sa kabataan, ang mga maling impormasyon na naglabasan sa social media tungkol sa mga kaso ng Japanese encephalitis sa bansa, na nagbunsod ng pangamba sa publiko.
Inihayag ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na ang mga maling impormasyon sa social media ay naging sanhi upang isipin ng publiko na laganap na ang Japanese encephalitis sa Pilipinas.
“It is because of the misinformation in social media. It caused panic as the public thought there was an increase in cases,” lahad ni Dr. Salvacion Gatchalian, dating presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.
Sinabi niya na sa katunayan, hindi ang kaso ng naturang sakit ang dumadami kundi ang mga taong nagpapakalat ng maling balita at impormasyon tungkol sa mga sintomas ng sakit, at ang mga nagpapabakuna upang makaiwas dito.
“But as to the laboratory confirmed Japanese encephalitis cases, there are only a few cases,” sabi ni Gatchalian.
Ang Japanese encephalitis, na nauuwi sa pamamaga ng utak, ay isang viral disease na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Ayon sa Department of Health, bumaba ng 50 porsiyento ang mga kaso ng Japanese encephalitis sa bansa nitong Agosto 26 kumpara sa nakaraang taon, na nakapagtala ng 273 kaso.
“There is no need really have their children vaccinated because that is already part of the normal endemic diseases in this country,” saad ni Health Secretary Dr. Paulyn Ubial.