Ni REGGEE BONOAN
MAGALING na TV host si Luis Manzano, kaya kaliwa’t kanan ang mga programa niya sa ABS-CBN bukod pa sa corporate shows. Pero may inamin ang binata na sa rami ng inaalok sa kanya, never siyang tumanggap ng hosting job sa beauty pageants.
“The reason why I don’t do beauty pageants kasi alam kong there are more capable hosts na kaya nilang magseryoso.
Feeling ko lang naman kasi if I host Binibining Pilipinas, makulit akong tao, so mamaya, I might throw a joke here and there, people might construe it. Remember si Toni (Gonzaga) before? Si Toni nabigyan na siya ng directive na make it light, makipagkulitan kaya na-bash pa siya na inaasar daw niya ‘yung mga contestant. Paano pa kaya kung lalaki ang gumawa, sabihin nila na hindi gentleman? So, ayoko kaya iwas-pusoy na, ‘ika nga,” katwiran ni Luis.
Ang kanyang estilo sa bagong programa niyangI Can See Your Voice (ICSYV) na tinawag na “mystery music game show” ay pareho rin daw sa ibang naunang game show niya.
“Hindi naman puwedeng baguhin ang trabaho, well, there’s a big change for example sa Deal or No Deal nu’ng naging gabi kami kasi unang-una ‘yung suot pa lang naka-suit kami... at ‘yung atmosphere. So, hindi ka masyado puwedeng maging makulit.
“Dito (ICSYV), very casual lang kami, very relax pa rin, I wanna create that atmosphere na puwede tayong magtawanan, wala masyadong tension dito,” kuwento ng TV host.
Gamay na ni Luis ang hosting at karamihan sa mga sinasabi niya ay ad lib na, sinusunod pa ba niya ang script?
“As a guide, that’s one thing I always say na know the script but you don’t need to know word for word talaga kasi the moment na mawala ka ng konti, tuluy-tuloy ka nang mawawala. So, as long as you know your script kahit mag-ad lib ka kahit you work your way around the script in your own words na. Hindi naman kailangang verbatim ‘yan, eh, sa hosting. That’s what I think of it at saka mas ikaw. Unless there’s for example specific tagline or tag ng show that you have to follow,” sagot ng binata.
Sa tagal na niya sa trabaho, hindi ba siya nagsasawa o naghahanap ng ibang pagkakaabalahan?
“Hindi, eh, kasi the way I see sa hosting is more personal, nae-enjoy ko ‘yung communication, nae-enjoy ko ‘yung diretso. I know ibang klaseng fulfillment ‘yung through TV screen, movie screen, naintindihan ko rin naman ‘yun, pero iba rin kasi ‘yung nakakahalubilo mo ‘yung contestants mo. Mas masaya pa kapag regular player, kagaya dito ‘yung mga singers iba-iba’ng kuwento nila at ipapakita nila, pero ibang-iba pala ‘yung kuwento nila sa likod ng mga karakter nila,” sabi ng panganay ni Congresswoman Vilma Santos-Recto.
Inamin ni Luis na ayaw na niyang gumawa ng teleserye.
“Sabi ko, I’m much better host than I am an actor,” mabilis niyang sabi na kinontra namin dahil marunong naman siyang umarte.
“Nakatsamba ako sa In My Life, I gave everything din naman, pero sabi ko nga, I know my strength and I know my weakness. I’m not saying na hindi ko na gagawin, pero of something na feeling ko naman kayang bigyan ng oras at saka iba na ‘yung working hours ngayon, eh. Iba na, hindi na biro.
“At least dito (game show), you’re in the studio, mas relax ka ng konti. Unlike sa taping, araw-araw at puyatan. Sabi ko nga, I stick to my strength na alam ko. Sobrang daming magagaling na aktor na mata pa lang, kain na kain na ako.
So, dito na ako sa medyo may konting lamang ako,” maayos na paliwanag ni Luis.
Samantala, tinanong namin ang nasulat na ayaw nang makatrabaho ni Luis ang ex-girflriend niyang si Angel Locsin na isa sa judges sa Pilipinas Got Talent Season 5 noong 2016. Nagkahiwalay sila habang umeere pa ang nasabing programa.
“I laid my cards sa management na sabi ko, ito siguro ang para sa akin will be the best working relationship para sa lahat. So if makita ninyo ako sa PGT (Season 6), nandoon ako, kung hindi, eh, di hindi. I leave it to management na lang, ayokong pangunahan ang management, basta ‘yun lang ‘yun and I believe kung ano ‘yung healthiest option for the show. Hindi ko na papahabain pa kasi people will nitpick kung anuman ‘yun. So we’ll see sa November kapag nag-blind audition kami,” paliwanag ni Luis.
Ganu’n ba katindi ang naging hiwalayan na hindi na okay kahit magkatrabaho sina Luis at Angel?
“I’m looking for a bigger picture so, ‘yun lang naman ‘yun, di ba? For the health of the show,” katwiran pa ulit ng TV host.
Mukhang madali itong madedesisyunan ng management dahil kapag sinabing Pilipinas Got Talent ay sina Luis at Billy Crawford show ito plus the judges.
At dahil bago lang naman si Angel sa PGT, posibleng siya ang mawala sa hanay ng judges. Kaya ba ito ibinalik sa La Luna Sangre para maging abala siya at hindi na siya puwedeng tumanggap ng iba pang programa dahil ngaragan sa taping ng LLS. Ano sa tingin mo, Bossing DMB?
(Peace and happiness, wish ko sa mag-ex. --DMB)
Samantala, napanood na kagabi ang pilot (meron pa ngayon, 9:30 PM) ng I Can See Your Voice. Instant favorite ito dahil marami ang nakaka-relate lalo na sa naaaliw sa mga kababayan natin na mahilig kumanta pero sintunado naman.
Kung sabagay, hit din ito sa mga bansang Bulgaria, China, Thailand, Indonesia at Korea na pinanggalingan nito.
Ang mechanics ng programa ay “Stop, Look, and Listen” na kinakailangang mag-eliminate ang guest star ng isang “secret songer” base lamang sa kanyang itsura. Isang video profile din ang ipapalabas bawat “secret songer” na may patikim ng kanilang totoong boses.
Sa pagtatapos ng round, isang “secret songer” ang tatapak sa Stage of Truth at kakanta nang live para magkaalaman kung “SEE-nger” siya o “SEE-ntunado” at kapag natanggal ay makakatanggap siya ng P5,000 bilang consolation prize.
Level up naman ang hamon sa ikalawang round na The Voice is Synching na ang isa-isang magli-lipsynch ang natitirang limang “secret songers”. Kapag ang “secret songer” ay SEE-nger, boses niya ang gagamitin at kapag SEE-ntunado naman ay boses ng iba ang maririnig ng lahat. Dalawa ang magpapaalam sa round na ito na makakatanggap naman ng P10,000 bawat isa.
Pinakahuling round ang I Like to Prove It, Prove It na isa-isang magpapakita ng ebidensiya ang natitirang tatlong secret songers” at kukumbinsihin ang guest star na sila ang piliiin para manalo sa game. Ito ay maaaring larawan, medalya, o kung ano pang maaaring magpatunay na sila ay marunong umawit.
Dalawa ang muling mamamaalam sa last and final round at tatanggap ng P15,000 bawat isa. Ang matitirang “secret songer” ang siyang tatanghaling winner, mananalo ng P25,000 cash prize, at makaka-duet ang guest star ng episode.
Kung siya naman ay totoong singer, mayroon siyang sure slot para lumaban sa Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime.
Makakasama ni Luis ang SING-vestigators na sina Andrew E., Kean Cipriano, Wacky Kiray, Angeline Quinto, at Alex Gonzaga.
Unang sumabak ngayong pilot episode si Gary Valenciano at si Lea Salonga.