HINDI lang Pirata ng Intramuros ang nananalasa sa NCAA Season 93. Mag-ingat sa naninibasib na Red Lions ng Mendiola.
Nahila ng San Beda Red Lions ang winning streak sa 10 laro nang ngatain ang San Sebastian Stags, 76-65, nitong Biyernes para patatagin ang katayuan sa top two seeding sa Final Four ng seniors basketball tournament sa Fil-Oil Flying V Center sa San Juan City.
Bunsod ng panalo, nanatiling matatag ang Red Lions (11-1) sa likod ng nangungunang Lyceum of the Philippines Pirates na matikas sa 12-0 marka.
Hataw si JV Mocon sa naiskor na 17 puntos at 11 rebound para sa Red Lions, tampok ang three-pointer sa huling 1:04 ng laro para palobohin ang bentahe sa 76-64.
“It’s really our defense which stepped up. We had a hard time preparing against San Sebastian. We know they have a good coach in coach Egay (Macaraya) and a great player in (Michael) Calisaan,” pahayag ni Fernandez.
Ngunit, nabalutan muli ng kontrobersyal ang panalo ng Red Lions nang mapatalsik sa laro si Calisaan nang tawagan ng disqualifying foul nang masiko sa mukha si Mocon may 3:33 ang nalalabi.
“Alam naman namin coming to this game na magiging physical. We just came in prepared. Ang mentality namin if they’re gonna be physical, maging physical din kami sa kanila,” pahayag ni Mocon.
Sa opening day, binawi sa San Beda ang panalo kontra Perpetual bunsod nang maling jersey na naisuot sa laban.
Nanguna si Calisaan sa San Sebastian na may 23 puntos. Bagsak ang Stags sa 5-6 karta.
Iskor:
SAN BEDA (76) – Mocon 17, Potts 16, Bolick 11, Tankoua 8, Presbitero 8, Cabanag 6, Doliguez 5, Soberano 3, Adamos 2, Bahio 0, Abuda 0, Oftana 0, Tongco 0
SAN SEBASTIAN (65) – Calisaan 23, Bulanadi 12, Gayosa 10, David 5, Ilagan 5, Baetiong 4, Calma 2, Navarro 2, Capobres 2, Costelo 0, Mercado 0, Valdez 0, Are 0
QUARTERSCORES: 26-15, 42-36, 58-53, 76-65