ASHGABAT, Turkmenistan – Sisimulan ng Filipino wrestlers at jiu-jitsu artists ang kampanya ng Team Philippines sa pagsisimula ng 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) ngayon sa Ashgabat Olympic Stadium dito.

Hahataw si three-time International Brazilian Jiu-Jitsu Federation World Championship champion Margarita “Meggie” Ochoa para simulan ang kampanya ng Pinoy sa torneo.

“Halos kilala ko lahat ng mga makaka-laban ko, mga nakalaban ko na din before,” pahayag ng 5-foot-1 na si Ochoa, nagwagi ng gintong medalya sa dating Asian Beach Games sa Danang, Vietnam.

“Ready naman tayo kasi last time I competed was in the Asian Jiu-Jitsu Championship, that was in August,” sambit ng 27-anyos na si Ochoa, sasabak sa regular category na 45kg division.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Inaasahan ding ng delegasyon si Annie Ramirez, two–time gold medal winner sa Asian Beach Games. Naiuwi niya ang dalawang ginto sa Asian Jiu-Jitsu Championship kamakailan sa Hanoi, Vietnam.

“I think maganda naman, may laban tayo and kaya nating makakuha ng gold. Sana maging ok ang lahat, walang injuries, and makapag-isip ng tama pag-dating sa araw ng laban,” pahayag ni Ramirez.

“During my last fight in Hanoi, I won two gold medals there, open category and sa 55kg division ko. At least may konting advantage na ako sa mga makakalaban kung sila pa din yung mga sasali dito,” aniya.

Walong iba pang jiu-jitsu fighters ang magtatangkang makasikwat ng medalya sa torneo.

Kabilang din sa koponan sina Hansel Terence Co (77kg), Gian Taylor Dee (56kg), Mark Alexander Lim (69kg), Golbert Ambao (94kg), Apryl Eppinger (62kg), Lou-Ann Jindani (55kg),at Carol Pajaron (49kg).

Magsisimula rin ngayon ang traditional wrestling kung saan pambato ng Team Philippines sina Alvin Lobregito (freestyle 57kg), Jefferson Manato (classic style 57kg), Johnny Morte (freestyle 68kg), Grace Loberanes (freestyle 52kg), at Noemi Tenner (freestyle 58kg).

Kumpiyansa si Chef de Mission Monsour del Rosario sa magiging laban ng Pinoy sa torneo. Pinangasiwaan niya ang delegasyon sa tradisyunal na flag raising ceremony sa Village Flag Plaza.

“Everything is on track. Looks like the athletes are in good spirits last night I checked them,” sambit ng Olympian taekwondo jin at ngayon ay Makati City congressman.

“Excited sila… ang oipinagdadasal ko na lang ang draw lots ng mga fighters (I hope) hindi agad matapat sa mga World Champions at Asian Champions na malalakas na teams. Sana matapat muna medyo kaya nila tapos habang papunta ng quarterfinals, semifinals at finals doon na nila makakatapat yung mga World and Asian champions para may chance tayo mag-medalya,” aniya.

Sasabak ang Team Philippines sa 17 sports, kabilang ang sumisikat na Electronic Sports.