KUMPIYANSA si national beach volleyball coach Emil Lontoc na makakaabot sa podium ang Team Philippines na sasabak sa 29th Southeast Asian Beach Volleyball Championships sa Setyembre 28-30 sa Palawan Beach, Sentosa sa Singapore.
Magkasangga sina Sisi Rondina ng University of Sto. Tomas at Bernadeth Pons ng Far Eastern University, habang pakner sina Patty Orendain at Fiola Ceballos.
Sasabak naman sa men’s division ang tambalan nina Anthony Arbasto ng University of Santo Tomas at Jude Garcia ng Far Eastern University.
“Hopeful ako na magme-medal ang beach volleyball natin,” pahayag ni Lontoc. “Titignan ko sa Youtube kung ano ang (galaw) kalaban natin.”
Mapapalaban ang Pinoy spikers sa Asian powerhouse, kabilang ang Thailand at Indonesia.
Naging matagumpay ang tambaan nina Rondina at Jem Gutierrez sa UAAP Season 79 laban kina Pons at Kyla Atienza.
Nagkasama na sina Rondina at Pons sa Petron at naging kampeon sa Philippine Super Liga beach volleyball championship nitong Marso laban kina Orendain at Ceballos ng Generika-Ayala.