Ni: Liezle Basa Iñigo
SAN NICOLAS, Pangasinan – Iginiit ng Bayan-Pangasinan na massacre at hindi engkuwentro ang insidente nitong Agosto 25 sa Barangay Malico, San Nicolas, Pangasinan, na ikinamatay ng isang treasure hunter na unang napaulat na miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa press statement ni Eco Dangla, tagapagsalita ng Bayan-Pangasinan, sinabi nitong kinokondena ng grupo ang pamamaslang umano ng pulis-Pangasinan sa apat na sibilyan.
Kinilala ang mga biktimang sina Marcelo “Mar” Perico, 46, ng Cauayan City, Isabela; Crisologo “Celso” Alambra, 60, ng Lupao, Nueva Ecija; isang Arthuro Galvez, nasa 60-64 anyos, ng Ilagan City; at kinakasama nitong si Thelma Albano, 67, ng Cagayan.
May mga senyales na pinahirapan ang tatlo at hindi totoong nasawi sa sagupaan gaya ng iginiit ng pulisya.
Sinabi pa ng nag-embalsamo kay Perico na pawang sugat mula sa taga ang natamo niya at walang tama ng baril.
Ayon sa Bayan-Pangasinan, nais lamang umanong isalba ng pulisya sa pagkapahiya ang kanilang hanay makaraang mapatay sa engkuwentro sa NPA ang isang pulis noong Hulyo 28. Dalawa pang kabaro nila ang nasugatan.