Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 n.h. -- La Salle vs NU
4 n.h.-- Adamson vs UST
MAKASALO sa solong lider Ateneo ang pag-aagawan ng defending champion La Salle at National University sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayong hapon sa UAAP Season 80 basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Magkasalo sa ikalawang posisyon hawak kapwa ang parehas na barahang 1-0, ang Green Archers at ang Bulldogs kasunod ng Blue Eagles na may kartadang 2-0.
Magtutuos sila sa pambungad na laro ganap na 2:00 ng hapon na susundan ng salpukan ng University of Santo Tomas at ng Adamson na maghahangad naman ng kani-kanilang unang tagumpay ganap na 4:00 ng hapon.
Tinalo ng Green Archers ang Far Eastern University noong nakaraang Linggo, 95-90 habang namayani naman ang Bulldogs kontra University of the East sa iskor na 86-69.
Gayunman, duda pa rin kung makakalaro na ang sentro ng Green Archers na si Ben Mbala na kababalik lang mula sa pagsabak sa int sa AfroBasket.
Ngunit kahit wala si Mbala, paborito pa rin ang Archers kasunod ng ipinakita nitong laro kontra FEU sa pamumuno ni Aljun Melecio.
Sa kabilang dako, inaasahan namang muling mamumuno para sa Bulldogs sina Jayjay Alejandro at rookie na si Issa Gaye kasama sina Reggie Morido at Dave Yu.