DAHIL sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa kung paanong nakalusot ang 600 kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon, sa Bureau of Customs, nabulgar ang maraming panig sa usapin at sumiklab ang mga alitan na higit na bumida sa mga pahayagan kaysa mismong isyu ng droga.
Nariyan ang usapin sa tattoo. Inakusahan ni Senator Antonio Trillanes IV si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ang anak ng Pangulo, ng pagkakaroon ng dragon tattoo na may coded number sa likod nito bilang miyembro ng “Triad”, isang sindikato ng mga kriminal sa Asya. Nang hilingin na ipakita ang kanyang tattoo, tumanggi ang bise alkalde at iginiit ang kanyang karapatan sa privacy. Kalaunan, sinabi niyang isasapubliko niya ang kanyang tattoo sa tamang panahon.
At nariyan pa ang isyu sa mga bank waiver. Nang bumisita sa Cagayan de Oro City, sinabi ni Pangulong Duterte na binabatikos siya ni Senador Trillanes, gayundin ang kanyang pamilya, at inakusahan siya ng pagkakaroon ng daan-daang milyong dolyar sa kanyang mga bank account. Sinabi ng Pangulo na si Trillanes ang may malalaking bank account sa ibang bansa. Kaagad naman itong tinugunan ng senador sa pamamagitan ng paglagda sa waiver upang pahintulutan ang alinmang bangko na ilantad ang kanyang umano’y mga bank account. Kasabay nito, hinamon niya ang Presidente na lumagda sa sarili nitong waiver—na tinanggihan naman ng Pangulo, sinabing kung ebidensiya ang hinahangad ng senador, dapat na kunin nito mismo sa kanya ang mga iyon.
Nariyan din si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na tumangging sumagot sa karagdagan pang pag-uusisa ng Senado. Inakusahan siya nina Senators Trillanes at Panfilo Lacson ng pagtanggap ng “tara” mula sa mga smuggler ngunit naniniwala si Faeldon na nagsasagawa ang mga senador ng imbestigasyon “in aid of legislation” habang nagtatago sa kani-kanilang parliamentary immunity.
Wala na tayong inaasahang kahihinatnan sa alinman sa mga kasong ito. Hindi magkakaroon ng opisyal na desisyon. Umaasa ang mga pangunahing karakter sa kani-kaniyang kuwento na sa kanila papanig ang publiko. Inaasahan ng bawat isa sa kanila na sila ang magwawagi sa opinyon ng publiko.
Tayo naman ay umaasa na sa lahat ng mga usaping ito, sa harap ng mga isinapublikong pahayag at kontra-pahayag, na hindi makaliligtaan ang pangunahing problema — kung paanong nakalusot sa Customs ang 600,000 gramo ng shabu sa panahong abala ang gobyerno pagpapatupad sa kampanya nito laban sa droga.
Libu-libong tulak at adik ang napatay na sa digmaang ito, marami sa mga kaso ay kinasasangkutan ng iilang gramo lamang ng shabu. Nangangamba tayong marami pa ang magdusa dahil sa libu-libong gramo ng shabu na nakalusot sa Customs at sa mga hangganan papasok sa bansa. Huwag nating pahintulutang mahadlangan ng alitan sa mga tattoo, bank waivers, at “pang-uusig” ng Senado ang pagpupursige nating matigil na ang pagpasok ng shabu sa ating bansa, na mismong ugat ng problema natin sa droga.