Ni: Ric Valmonte

“SUFFICIENT in form ang substance,” sabi ng Senate Ethics Committee sa reklamo ni Sen. Richard Gordon kay Sen.

Antonio Trillanes na lumabag ito sa parliamentary rules ng Senado. Batay naman ito sa reklamo ni Trillanes laban kay Gordon sa pagpapatakbo niya ng pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa P6.4 billion shabu na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC). Nang magrecess, sinabi niya na ang komite na ito ay “comite de absuelto.” Ayaw kasing ipatawag ni Gordon ang anak ni Pangulong Digong na si Paolo Duterte at ang manugang nitong si Mans Carpio sa pagdinig ng komite, sa kabila ng kahilingan ni Trillanes.

Idinawit kasi sina Paolo at Carpio sa Davao Group na nagpabilis sa paglalabas ng mga kargamento sa BoC at kabilang dito ang P6.4-billion shabu shipment. Ang dahilan ni Gordon, maging ni Sen. Vic Sotto, ay walang ebidensiyang naipakita si Trillanes na nagpapatunay na sangkot sina Paolo at Carpio sa nasabing anomalya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Paninirang puri at labag sa Rules of the Senate iyong tawagin ni Trillanes ang Senate Blue Ribbon Committee na “comite de absuelto,” ayon kay Sen. Gordon. Balat-sibuyas pala itong si Gordon. Kunsabagay, higit na masakit ang katotohanan at ang batas laban sa paninirang puri ay kadalasang ginagamit ng mga nasasaktan sa katotohanan para magbangon puri.

Kung mayroong dapat ireklamo ng paglabag sa ethics ay walang iba kundi si Gordon. Ang mga pagdinig na naganap na sa Senado sa mga komiteng ang chairman ay si Gordon, tulad ng Senate Committee on Justice at Blue Ribbon Committee, ay mga testigo sa hindi niya moral na pag-akto bilang Senador. Aba, eh kung sigawan niya ang mga resource persons na inimbitahan niya para kunan ng impormasyon ay parang naninigaw ng kaaway sa palengke.

Minomonopolyo niya ang buong pagdinig. Ang layunin ng pagdinig ay kunan ng impormasyon ang mga resource persons upang malaman ang problema sa kabuuan nang sa gayon ay makabalangkas siya at mga kapwa niya mambabatas ng batas na makalulunas sa nasabing problema. Kaya, ang tamang proseso, na siyang ginagawa ni Sen. Ping Lacson sa pamamahala niya sa Committee on Public Order and Illegal Drugs, ay hayaan lang ang resource person na magsalita.

Kailangan ka lang magtanong kung paunti-unti ang impormasyong inihahayag. Hindi iyong uubusin ang oras sa kadadaldal na animo’y ikaw na ang resource person na siyang gawi ni Gordon. Kaya, sa kakulangan sa oras ay hindi na makapagtanong ang ibang miyembro ng kanyang komite.

Unethical din iyong ginagawa ni Gordon na sumisingit siya para palabnawin o palabuin ang epekto ng testimonya ng resource person na nailabas sa pagtatanong ng kapwa niya senador. At lalong unethical iyong nililimatahan niya ang testimonya ng resource person upang huwag makadawit ng iba. Eh, simpleng pagtatakip ito. Pagkatapos ng pagdinig, walang galang na sabihin ni Gordon sa publiko na wala namang nailabas iyong kapwa niya senador sa pagtatanong niya sa mga resource persons na pinaimbitahan nito, pero ayaw niya sanang gawin ito. Dapat matuto si Gordon kay Lacson upang hindi siya masaktan sa katotohanan.