Ni NORA CALDERON
HINDI pa rin makapaniwala si Gabby Concepcion sa tinanggap niyang Asian Star Prize trophy sa Seoul International Drama Award 2017 para sa pagganap niya bilang si Rome sa Ika-6 Na Utos na idinidirihe ni Laurice Guillen.
Buong pagmamalaki niyang pinakita ang kanyang trophy sa ilang entertainment press sa pocket interview na ibinigay sa kanya ng GMA Network.
“Hindi ako makapaniwala nang nasa Korea na ako na ako lang pala ang nominated na actor sa Pilipinas,” sabi ni Gabby.
“At lalong hindi ako makapaniwala na ako ang nanalo out of the 250 entries from different countries. I was able to rob elbows with actors from Afganistan, USA, Australia, Korea. Kaya nang bumalik ako rito sa bansa, nagpasalamat ako sa lahat ng co-stars ko sa soap namin, kina Sunshine Dizon, Ryza Cenon, Angelika dela Cruz, dahil hindi ko magagampanan ang aking role without their support.”
Nang tanungin kung kailan na talaga matatapos ang kanilang top-rating drama series, hindi rin niya alam.
“Basta ako, go lang nang go kung anuman ang ipagagawa nila sa akin, lalo ngayon na nakakulong na ako dahil sa kasalanang hindi ko naman ginawa.”
First time ni Gabby na mag-sign ng network contract at two years ang pinirmahan niya sa GMA. Kaya ang bahay nila ng wife and two daughters nila sa San Francisco, naroon lamang, intact ang kanilang mga gamit, maging ang car niya na bigay ng kanyang kapatid pero baka raw flat na ang mga gulong.
Last year pa sila huling umuwi sa San Francisco. Hindi niya alam kung makauuwi sila this holiday season dahil nga marami siyang live shows na ginagawa bukod sa Ika-6 Na Utos.
May gagawin daw siyang pelikula na ididirihe nina Maryo J. delos Reyes at Laurice Guillen pero ayaw pa niyang sabihin kung sino ang producer at kung sinu-sino ang makakasama niya sa cast. He’s looking forward for this project dahil matagal-tagal na ring wala siyang ginagawang pelikula. Ang huli ay isang indie film with Christopher de Leon na guest appearance lamang siya.
May offer noon sa kanya na reunion movie nila ni Sharon Cuneta, bakit hindi niya tinanggap?
“Like what I’ve said noon pa, ayaw kong masira ako sa GMA na tatanggap ng trabaho sa ibang network, samantalang naka-contract ako sa kanila. Gusto kong maging loyal sa pinirmahan ko.”