Nina ORLY L. BARCALA, BELLA GAMOTEA, at FER TABOY

Sabay-sabay sinibak kahapon sa puwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director General Oscar Albayalde ang buong puwersa ng Caloocan- Philippine National Police (PNP), dahil sa mga krimeng kinasangkutan na ang pinakahuli ay ang panloloob ng 13 pulis-Caloocan sa bahay ng isang ginang kamakailan.

Kinilala ang 13 pulis na pawang may ranggong Police Officer 1 na sina Sherwin Rivera, Louie Serrano, Marvin Poblete, Jay Gabata, Jaime Natividad, Jaypee Talay, Ariel Furo, Jay-Ar Sabangan, Francis Quindu, Michael Miguel, Rene Llanto, Joey Leaban, at Rogelio Alaton.

Idiniretso sila sa holding area ng Camp Bagong Diwa, Taguig at sinampahan ng kasong kriminal at administratibo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagulantang ang mga opisyal ng PNP sa Camp Crame sa panloloob ng 13 pulis, na pawang nakatalaga sa Police Assistance 12, North Caloocan Police Extension Office, sa bahay ni Gina Erobas, 51, sa No. 150 Barrio Sta. Rita, Barangay 188 Tala, Caloocan City, nitong Setyembre 7, dakong 9:00 ng gabi.

Mapapanood sa closed-circuit television (CCTV) camera ang pagsira ng mga pulis, kasama ang isang 12-anyos, sa kandado ng pintuan ng bahay ni Erobas.

Kasama rin ng mga ito ang isang pilay na lalaki na umano’y police asset na nakasuot ng bullet proof vest, naka-mask at armado ng baril.

Kita rin sa CCTV ang pagtangay ng mga pulis sa relo at cell phone, na nagkakahalaga ng P30,000, at sa P6,000 cash ng ginang.

Samantala, sinibak din ang kanilang team leader na si Police Sr. Inspector Warren Peralta at hepe ng PCP 4 na si Police Chief Inspector Timothy Aniiway, Jr.

Ang NCRPO Regional Public Safety Batallion (RPSB) at Civil Disturbance Management (CDM) members ang nakatakdang humalili sa mga sinibak na pulis.

Kaugnay nito, nakatakdang isailalim sa ilang buwang training at seminars ang 1,000 pulis sa Caloocan City.