Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Posibleng magdeklara si Pangulong Rodrigo ng Duterte ng suspensiyon ng klase at trabaho sa gobyerno sa Setyembre 21 dahil sa mga banta ng malawakang demonstrasyon.
Sa Huwebes ang ika-45 taon simula nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law sa buong bansa noong Setyembre 1, 1972.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, magdedeklara si Duterte ng holiday kapag nagkaroon ng malawakang protesta ang mga makakaliwang grupo.
“During my interaction with him early this week, sinabi niya na pagka magkaroon ng massive rallies sa Metro Manila and it might inconvenience the public, para hindi ma-inconvenience, sinabi niya, ‘di ko na lang sila papasukin,” anang Lorenzana.
“[He] will declare na wala nang papasok sa mga opisina so they will have a free hand kung anong gagawin nila sa mga demonstration nila. That’s what he said.
“Hindi naman niya sinabi kung anong araw but since the left is threatening to have this massive demonstration on the 21st, siguro (maybe) it will be on the 21st. Pakikiramdaman naman daw niya,” patuloy ni Lorenzana.
Sa Mindanao Hour/Bangon Marawi press briefing kahapon ng umaga, sinabi rin ni Lorenzana na malabo na magkaroon ng malaking demonstrasyon na magtutulak sa Pangulo na palawakin ang martial law na idineklara niya sa Mindanao at sakupin na ang buong bansa.
Hindi siya naniniwala na may kakayahan ang mga makakaliwa na makapagdaos ng malalaking demonstrasyon sa bansa.
Idiniin niya na walang nakikitang indikasyon ang Department of National Defense (DND) ng malawakang demonstrasyon ng mga makakaliwa gaya noong panahon ni Marcos.
“We do not have those indications in our reports, even the civilian LGUs (local government units), wala naman silang nararamdaman sa baba e,” anang Lorenzana.
Sa panayam ng PTV-4 noong Huwebes ng gabi, sinabi ni Duterte na magdedeklara siya ng holiday upang walang masaktan sa malawakang demonstrasyon.
“At this early, I am announcing that I am ordering a holiday para walang masaktan, walang ano kung may demonstration diyan, magkagulo,” anang Pangulo.