LUMIHAM ang Department of Transportation sa apat na international certifiers upang suriin ang 48 bagong train coach para sa Metro Rail Transit (MRT) na binili ng Pilipinas mula sa China.

Ipinahayag ni Department of Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na susuriin ng international third party ang 48 Dalian train upang tukuyin kung ito ba ay ligtas na gamitin ng mga pasahero.

Aabutin ng tatlong buwan ang proseso. Sa oras na malaman ng international third party na ang mga bagon ay hindi tugma sa signaling system ng mga tren na kasalukuyang ginagamit sa MRT, ibabalik ng kagawaran sa China ang mga nasabing bagon.

“If they say these are not operationally reliable, we will return it to China without spending any amount. Our option is to return these to China and have them fix it,” ani Chavez.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bukod sa signaling system, mayroon ding problema sa mga gulong ng mga bagong tren dahil ang mga ito ay mas malaki ang sukat kaysa riles ng MRT.

Nagkakahalaga ng P3.8 bilyon ang 48 Dalian train.

Nakapagbayad na ang Pilipinas ng P800 milyon sa gobyerno ng China.

Sinabi ng Department of Transportation na hindi hihingi ng refund ang gobyerno ng Pilipinas sa naturang halaga, subalit igigiit sa China na ayusin ang mga tren upang magamit pa rin sa MRT.

Dumating ang mga bagon sa Pilipinas noong 2015. Gayunman, matapos ang dalawang taon ay hindi pa rin nagagamit ng milyun-milyong pasahero ng MRT ang mga ito.

Nitong Miyerkules, anim na beses na nagkaproblema sa operasyon ng MRT, na ikinasugat ng dalawang pasahero nang biglang tumigil ang tren.

Sa pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang budget ng Department of Transportation para sa 2018, sinabi ni Senator Grace Poe na ang mga opisyal na responsable sa pagbili ng mga naturang tren ay nararapat na managot sa korte.

Nagpaplano ang Department of Transportation na ibalik ang Dalian trains sa China bago matapos ang taon.