Ni REGGEE BONOAN
MAY bagong show si Luis Manzano, ang I Can See Your Voice na mapapanood na simula bukas, Sabado at sa Linggo, 9:30 pm.
Kuwento ng business unit head ng programa na si Ms. Joyce Liquicia, wala nang audition para sa host dahil hand-picked nila mismo si Luis na bagay na bagay sa format ng bagong reality show na franchise mula Korea.
Sa I Can See Your Voice, pawang sintunado ang contestants. Pero ang malaking problema, nahirapan silang maghanap ng mga taong sintunado.
“Kasi nagpapa-voice audition kami online at sa Facebook kung sino ‘yung mga gustong sumaling sintunado. Akala nila sintunado sila, hindi pala kasi they can carry a tune. So, hindi sila sintunado, siguro lower octave lang, pero nasa tono sila.
“’Tapos ‘yung alam mong sintunado, sila pa ‘yung hindi aminado at ang alam nila nasa tono sila, ang dami kong kilalang ganu’n,“ kuwento ni Ms. Joyce sa press na dumalaw sa taping ng I Can See Your Voice.
Ang mechanics ng I Can See Your Voice ay, “May cash prize sila, ‘pag na-eliminate, may five thousand pesos, second na ma-eliminate may P10,000, ‘tapos ‘yung third elimination, P15,000 at ‘yung grand prize P25,000 plus a chance to join the Tawag ng Tanghalan,” paliwanag ng ABS-CBN executive.
Paano sasali sa Tawang ng Tanghalan, e, sintunado nga?
“Siyempre hindi, ‘yung totoong singer na ang makakasali, at ‘yung sintunado twenty-five thousand lang,” sagot sa amin.
Bakit si Luis uli ang napili nila para maging host?
“When we did the mock-up taping, it was Luis na kaagad, walang audition na nangyari. Immediately siya kaagad kasi alam mo, bagay kay Luis, sintunado,” tumawang sagot ni Joyce.
Ito pala ang requirement sa I Can See Your Voice, dapat sintunado ang host?
“Hindi naman, the requirement is siyempre kailangan funny, kailangan can handle na walang pakialam na kakanta siya na with all the conviction na, ‘singer ako’! Si Luis lang ‘yun,” masayang paliwanag ng bossing ng programa. “Alam ni Luis nasa tono siya, ha-ha-ha-ha.”
Bakit solong host lang si Luis samantalang sa Korea ay tatlo ang host ng show na ito.
“Because we knew that Luis can handle. Kasi sa Korea, isang heartthrob, isang singer at isang good host. Eh, Luis has it all except for the singing part. Eh, hindi naman siya talaga kakanta, so we convince ‘yung Korean franchise group na i-consider na isang host na lang talaga dito sa show at nu’ng nakita nila ‘yung mock-up taping, saka lang sila pumayag. Naniwala naman sila sa sinasabi namin and we also send them all the materials of Luis na nagho-host siya ng Family Feud, the PGT (Pilipinas Got Talent), kaya naniwala sila kasi hindi naman basta-basta rin ‘yung mga show ni Luis, di ba?” detalyadong kuwento ni Ms. Joyce.
Paano naman napili ang “singvestigators” na sina Angeline Quinto, Kean Cipriano, Alex Gonzaga, Wacky Kiray at Andrew E?
“Parang mock-up. Actually, we tried it at first mga combination, nag-meeting kami kung sino’ng funny, sino’ng may musical background na sa tingin kayang makipagbatbatan, mag-agree at disagree and reason behind it.
“So we did a line-up nagkataon na sa mock-up taping, eh, sila na immediately kaya tama ‘yung combination namin,” say pa sa amin.