Ni: Ric Valmonte

ISANG libong piso lamang ang inilaan ng Kamara para sa 2018 budget ng Commission on Human Rights (CHR). Tama si Cong. Lito Atienza, isa sa mga tumutol dito, na pagbuwag na ito sa nasabing ahensiya. Kasi, wala na itong pondong magagamit para kumilos at gumanap ng tungkulin. Malamang ay magbitiw na ang mga empleyado dahil wala nang ipasasahod.

Ang CHR ay nilikha ng taumbayan sa paggawa ng Saligang Batas. Ginawa nila itong isang ahensiyang malaya sa lahat ng departamento ng gobyerno, lalo na sa ehekutibo at Kongreso, upang hindi maimpluwensiyahan at magipit sa pagganap ng tungkulin.

Totoo, nasa kapangyarihan ng Kongreso na gumawa ng budget at sa Kamara nagsisimula ang pagbabalangkas nito bilang departamento ng mga representanteng inihalal ng bayan. Pero, iyong gamitin mo ang kapangyarihan nito para bigyan ng P1,000 budget ang CHR, na mistulang binubuwag mo na ito, hindi ka umaaktong kinatawan ng bayan. Kinatawan ka ng iyong personal na interes at nilalabag mo ang Saligang Batas na nilikha ng mamamayang dapat mong paglingkuran. Hindi katwiran iyong hindi nagagampanan ng CHR ang tungkulin nito. Hindi nito tungkulin na kapag may nangyaring insidente, tulad ng laging binabanggit ni Speaker Alvarez na masaker sa San Jose del Monte, Bulacan, dapat kondenahin ito ng CHR at ang mga taong may kagagawan nito.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Gusto ni Alvarez na kapag may karumaldumal na mga krimen gaya ng panggagahasa at maramihang pagpatay ay kasama ang CHR sa pagbatikos sa mga gumawa nito. Bakit kailangang gawin ito ng CHR gayong ang buong puwersa ng gobyerno ay kumikilos sa mga insidenteng ito para mapanagot ang mga gumawa nito? Gamit ang mahabang kamay ng batas na ginawa ng Kongreso at armas ng estado, tinutugis ang mga responsable sa paggawa ng mga krimeng ito at mapanagot sila sa batas at lipunan.

Ang napakalaking problema sa paggamit ng puwersa ng gobyerno, na itinatag ng taumbayan para sa kanilang kapakanan, ay wala nang kinikilala ang mga nagpapatakbo nito sa hangaring mapanagot ang mga gumawa ng krimen. Manghuhuli na lang ang maykapangyarihan at papatayin ang kanilang mahuhuli. Wala nang prosesong pagdadaanan, gayong itinatakda ito ng batas, para masala na ang pinaparusahan ay siya talagang gumawa.

Kapag ginawa mo ito at napahamak ang iyong kamag-anak, tulad ng nangyari kay Carl Angelo Arnaiz na kamaganak daw ni Pangulong Digong, sinasabotahe ang iyong kampanya laban sa kriminalidad. Parang ganito ang nais mangyari ni Alvarez na ayaw mangyari ng taumbayan kaya binuo ang CHR. ... Kaya, ang CHR ay nakatutok sa kalabisan ng mga nasa gobyerno.

Ang lumalabag sa karapatang pantao ay ang mga taong ginagamit ang gobyerno laban sa mamamayan. Ito ang nangyari sa panahon ng diktadurya na ginamit ang gobyerno para sa kanyang pansariling interes at dahil salungat ito sa interes ng bayan, ginamit ang puwersa ng gobyerno upang ang personal nilang interes ay maging interes din ng bayan. Kaya, sa ginawa ng Kamara na binigyan lang ng P1,000 budget ang CHR, para buwagin ito o gawing inutil, nilabag nito ang karapatang pantao ng sambayanan.