Ni: Celo Lagmay

IISA ang nakikita kong dahilan kung bakit hindi napapawi ang mga pag-aatubili at pagtutol sa pagbubukas o pagpapagana ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP): Ang anino ng diktadurya. Ang naturang 620 megawatt plant na nagkakahalaga ng 2.3 bilyong dolyar na matatagpuan sa Morong, Bataan ay ipinatayo ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, maraming taon na ang nakalilipas.

Ang operasyon ng BNPP na sinasabing high-tech din ang pagkakagawa ay itinakda noong 1986, halos kasabay ng paghalili ng administrasyon ni yumaong Pangulong Corazon Aquino. Sa kadahilanang hindi mahirap unawain, mistulang ibinasura ang nabanggit na planta. Ito sana ang unang nuclear plant sa Asya.

Sa kabila ng mga agam-agam na magiging mapanganib ang pagpapagana ng BNPP, maraming pagsusuri ang isinagawa ng mga nuclear expert upang matiyak ang ligtas na operasyon ng naturang planta. Mismong sa Kamara nailantad ang katakut-takot na patunay na talagang maayos pa ang planta at tiniyak na ang pagbubukas nito ay makatutulong nang malaki sa pagsagip sa matinding kakulangan sa kuryente ng bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa nasabing demonstrasyon at paglalahad ng makabuluhang mga argumento, si dating Mark Cojuangco, sa aking pagkakatanda, ang nanindigan na walang balakid sa ligtas na operasyon ng BNPP. Ang matibay na kondisyon nito ay maihahambing sa matitinong nuclear plant sa iba’t ibang bansa sa daigdig.

Maaaring may mga pangamba sa pagpapagana ng mga nuclear plant sa kapaligiran at sa mismong kaligtasan ng sangkatauhan. Maaaring nagmumulto pa, wika nga, ang nuclear disaster sa Fukushima, Japan. Totoo na may mga ulat na ang naturang insidente ang naging dahilan ng pagpapasara ng mga nuclear plant ng ibang bansa. Sinasabi na naging dahilan din ito upang magsawa ng kaukulang mga rehabilitasyon sa nabanggit na mga planta.

Ang matibay na kondisyon ng BNPP ay napatunayan din ng ating... mga kapatid sa pamamahayag na kasama sa inspeksiyon na isinagawa ng Department of Energy (DoE) at ng National Power Corporation (NPC). Nasaksihan nila na matatag pa rin ang naturang istruktura sa kabila ng katakut-takot na kalamidad na nanalanta sa bansa, tulad ng lindol na yumanig sa Central Luzon noong 1990 at pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991.

Sa kabila ng magkakasalungat na argumento hinggil sa pagpapagana sa NBPP, at sa kanais-nais na mga patunay sa kondisyon ng nasabing planta, naniniwala ako na hindi dapat maging balakid ang anino ng diktadurya sa operasyon ng anumang proyekto na magpapasulong sa ekonomiya para sa kapakanan ng sambayanan.