ILANG linggo nang nababasa ng mundo ang tungkol sa sinasapit ng Rohingya refugees na tumatakas sa mga panggigipit at karahasan sa Myanmar. Ang mga Rohingya ay minoryang grupo ng mga Muslim sa Buddhist na Myanmar, kung saan pinagkakaitan sila ng pagkamamamayan, tinatanggihan bilang mga Bengali immigrant, at ilang dekada nang inuusig. Noong nakaraang buwan, inatake ng mga rebeldeng Rohingya ang mga awtoridad ng Myanmar at ginantihan sila ng militar; sinunog ang buong komunidad, at mahigit sa libong katao ang pinagpapatay. Daan-daang libong Rohingya ang nagsilikas sa kalapit na Bangladesh na bagamat isang bansang Muslim ay nagdarahop naman at hindi magagawang ipagkaloob ang pangangailangan ng nasa 400,000 refugee na nagsilikas mula sa Myanmar.
Noong nakaraang linggo, nanawagan ang Dalai Lama, ang pangunahing pinuno ng mga Buddhist sa mundo, para sa mga Rohingya, sinabing tiyak na tutulungan ni Buddha ang mahihirap na Muslim. Lumiham naman ang retiradong si Anglican Bishop Desmond Tutu ng South Africa kay Aung San Suu Kyi, na maraming taong ipiniit ng sarili niyang gobyerno ngunit ngayon ay nagsisilbing First State Counselor ng Myanmar, at nagpahayag ng labis na kalungkutan sa dinadanas na kawalang hustisya ng mga Rohingya.
Iilang Pilipino ang nakaaalam na noong 2015, ilang bangkang kinalululanan ng mga Rohingya ang tumakas din mula sa pag-uusig sa Myanmar at dumating sa Pilipinas, kung saan sila tinanggap at binigyan ng asylum. Limang buwan silang nanatili sa bansa, sinikap na makabangon mula sa kanilang mga dinanas, bago nagsilisan din kalaunan. Nauna rito, bago pa man magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinagkalooban ng gobyernong Commonwealth ng Pilipinas ng asylum ang nasa 1,500 Jewish refugees na umiwas naman sa sandatahan ng Nazi Germany sa Europa. At noong 1975, matapos na magapi ang Saigon noong Vietnam War, libu-libong Vietnamese na lulan sa bangka ang pinahintulutang manirahan sa Palawan at Bataan.
Sakaling muling kailanganin ng mga Rohingya ang ating tulong, tiyak na ipagkakaloob natin ito sa kanila gaya ng ginawa natin sa ibang refugees sa nakalipas. Determinado ang gobyerno ng Pilipinas na ipatupad ang 1951 Convention Relating to the Status of Refugees at ang 1954 Convention Relating to the Status of Stateless Persons. Subalit kahit pa hindi umiiral ang mga pandaigdigang kumbensiyon na ito, tayong mga Pilipino, gaya ng sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ay mayroong “moral obligation” na tulungan ang mga taong nangangailangan.
Patuloy nating tinututukan ang mga nangyayari sa Myanmar at Bangladesh at umaasang matatapos na ang mga paghihirap ng mga Rohingya. Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ang Pilipinas, bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon, ay maaaring makipagdayalogo sa sampung bansang ASEAN, kabilang ang Myanmar. “We have a humanitarian commitment,” aniya.