Ni: Erik Espina

LAHAT ng pagsisikap upang mabawi ang tagong yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay dapat suportahan lalo na at ang mga naulila niya ang kusang-loob na lumalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte. Mainam din at bukas ang pag-iisip ni Digong tungkol sa masalimuot na isyu kahit pa ang matitining na boses ng “maka-kaliwa” ay umarya uli tulad ng sirang plaka. Tama ang hakbang na tinatahak ng pamahalaan sa hangaring mabigyan ng katapusan at pahinga ang matagal nang sugat na hindi makatikim sa paghihilom.

Ito ang pangalawang pagkakataon na boluntaryong lumapit ang pamilya Marcos upang ibalik at sabay ikalong sa sambayanang Pilipino ang kanilang ari-arian. Magugunitang lumipad patungong Hawaii si Vice President Doy Laurel noon at inihabilin ni Marcos ang kahandaang ibalik ang 90% ng kabuuang yaman. Ang kapalit nito ay makauwi sa Pilipinas, pagpapawalang-bisa sa mga nakahaing kaso, at ang ari-arian ay diretsong mapupunta sa mamamayang Pilipino.

Subalit napunta sa wala at pangungulimbat ang paghahabol. Sabagay, isang linggo pa lang nakaupo ang Pamahalaang People Power, nagimbal ang aking ama, dating Senador Rene Espina na noo’y Secretary General ng Unido (ang partidong kinasangkapan ni Cory para tumakbo) sa balitang ibinulsa ang mga alahas ni Imelda sa Malacaña ng mga “dilaw” na kamag-anak at kaibigan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pati mga painting, sofa at chandeliers ay hindi pinatawad ng mga ito. Habang ang mga nagdaang pangulo at PCGG (Presidential Commission on Good Government) ay namantikaan din ng limpak-limpak na tiwaling salapi. Hinihingal ang gobyerno na habulin ang nakatagong yaman. Halos 10% lang yata ang nakuha, at walang nakukulong dahil nga sa, aminin natin, kapalpakan.

Ayon nga sa kasabihan, “Mas mainam na yung malinaw na 50% maibabalik, kaysa .... 100% hangin ang hahabulin”. Huwag tayo makinig sa bulag na sigaw ng mga “anti-Marcos” dahil isinangla na rin nila ang kanilang prinsipyo nang tanggapin ang salapi sa ‘human rights damages’. Mga alahas, painting at muebles na maibabalik, kailangan ilagak sa Museo, habang ang pera at ginto ilagay sa ‘time deposit’ sa abroad sa mataas na interes upang mapakinabangan ng bayan at hindi malusaw sa pulitika at muling maibulsa.