Ni: Bert de Guzman
SA naniniwala kayo o hindi kay Sen. Antonio Trillanes IV na kung tawagin ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay Sen. Trilliling, dapat ay bigyan siya ng kredito at pagkilala sa panahon ngayong halos lahat ng senador, kongresista at mga pinuno ng iba’t ibang sangay ng gobyerno ay parang natatakot na magsalita o kumontra sa Duterte administration. Hindi ba si ex-Sen. Miriam Defensor-Santiago noon ay tinawag namang “Brenda” subalit isa siyang matapang at makulay na mambabatas na pumupuna sa mga kamalian ng administrasyon.
Tanging si Trillanes lang yata, bukod kay Sen. Risa Hontiveros, ang tumitindig at nagpapahayag ng kanilang pagsalungat sa mga isyu at adbokasiya na isinusulong ni Mano Digong, partikular ang giyera sa droga, extrajudicial killings, human rights violations, independent foreign policy, pakikipagkaibigan sa China kahit inookupa ang mga reef at shoal natin sa West Philippine Sea. Nagalit nga si PDU30 kay Sen. Risa nang mapaiyak niya si Gen. Bato sa Senado nang sabihin niyang parang polisiya ng PNP ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang pusher at user, kabilang ang mga kabataang napatay.
Maging sina Sen. Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson ay medyo nag-aatubili na hayagang salungatin si PRRD, lalo na sa isyu ng drug smuggling sa Bureau of Customs (BoC). Si Gordon ang chairman ng Blue Ribbon Committee samantalang si Lacson ang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
Napapansin ng taumbayan na sa ano mang pagdinig sa Kongreso, basta nabanggit ang pangalan ng isang tao o opisyal kaugnay ng imbestigasyon, kaagad ay may mosyon na ipatawag siya at paharapin sa pagdinig. Hindi ito ginawa ni Gordon nang unang magmosyon si Trillanes na ipatawag sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at presidential son-in-law na si Atty. Mans Carpio dahil sila ay isinasangkot sa Davao Group.
Dakong huli, ipinatawag din ni Gordon si Polong at Mans matapos nilang magkainitan ni Trillanes bunsod ng akusasyon ni Trillanes na si Gordon ay “nag-aabugado” (lawyering) kina VM Duterte at Mans, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte. Ipinagharap ng kaso sa Ethics Committee si Trillanes dahil umano sa unparliamentarily remarks laban kay Gordon.
Nagbanta si Pres. Rody na dudurugin o wawasakin niya si Sen. Trillanes dahil sa walang puknat na paninira laban sa kanya at pamilya. Sa banner story ng isang English broadsheet: “I destroy Trillanes, or he destroys me.” Ganito rin ang banta niya noon kay Sen. Leila de Lima na ngayon ay nakakulong sa Camp Crame dahil sa kasong illegal drug trade.
Inimbestigahan ni De Lima noong siya pa ang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkakasangkot ni PDU30 sa Davao Death Squad (DDS) nang siya ang alkalde ng siyudad. Hindi ito nakalimutan ni Mano Digong hanggang sa siya ay maging presidente. Lalong sumiklab ang galit ng Pangulo nang iutos ni De Lima ang Senate investigation hinggil sa sunud-sunod na pagpatay kaugnay ng drug war ni PRRD.
Si De Lima ang chairperson noon ng Senate committee on justice na nagpapaimbestiga sa maramihang pagpatay sa pinaghihinalaang pushers at users araw-araw. May 8 hanggang 10 tao ang napapatay ng mga tauhan ni Gen. Bato sa Oplan Tokhang. Inakusahan ni PRRD ang senador sa pagkakaroon ng illicit affair sa kanyang driver-bodyguard, pagtanggap ng suhol mula mga drug lord at paglaganp ng narcotics o bawal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng DoJ na hawak ni De Lima.
Nagbanta si PRRD na wawasakin niya si De Lima. Nagkatotoo ito... at ngayon ay nakabilanggo ang may “balls” na senadora. Ngayon naman ay may banta siya kay Trillanes. Magkakatotoo rin kaya ito? Anyway, handa si Trillanes na lumagda sa isang bank waiver upang pabulaanan ang akusasyon ni Mano Digong na marami siyang bank accounts sa ibang bansa. Sa kabilang dako, hinihintay naman niyang mag-isyu rin ng waiver ang Pangulo upang buksan ang mga deposito nito na nagkakahalaga umano ng bilyun-bilyong piso.