Nina LEONEL M. ABASOLA, ROMMEL P. TABBAD, at BEN R. ROSARIO, May ulat ni Genalyn D. Kabiling

Tiyak na magkakabangaan ang Senado at Kamara sa usapin ng budget ng Commission on Human Rights (CHR) matapos na bigyan lamang ito ng P1,000 ng Kamara para sa 2018, habang P678 milyon naman ang inaprubahan ng Senado para sa komisyon.

Pangungunahan ni Senator Panfilo Lacson, ang sponsor ng CHR budget, ang pagtatanggol sa budget ng ahensiya na inaprubahan ng Senado.

Nitong Martes, P1,000 lang ang budget ng CHR na inaprubahan ng 119 na kongresista pabor sa mosyon ni 1-Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta, na kinontra naman ng 32 mambabatas.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

‘DI APEKTADO

Siniguro naman kahapon ni CHR Chairman Chito Gascon na hindi maaapektuhan ang kanilang trabaho sa pag-apruba ng Kamara sa kakapiranggot na budget para sa kanila, at sinabing aalamin niya ang tunay na dahilan sa likod ng usapin.

Pinangunahan mismo ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pag-apruba ng Kamara sa P1,000 budget para sa CHR, kaya naman inulan siya ng batikos sa social media simula nitong Martes ng gabi.

BINIRA SA SOCIAL MEDIA

Ayon sa mga netizen, hindi na makakaasa si Alvarez ng kanilang boto dahil sa pagbibigay nito ng baryang budget sa CHR, habang sinabi naman ng ilan na hindi dapat naging opisyal ng pamahalaan ang kongresista kung ganito ito mag-isip.

Dismayado rin kay Alvarez si United Nations (UN) Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary and Arbitrary Executions Agnes Callamard, at nangambang hindi na maipatutupad ng CHR ang mandato nito na protektahan ang karapatang-pantao ng bawat Pilipino dahil sa kawalan ng budget.

Gayunman, buo ang pag-asa ni Gascon na mapagbibigyan ng Senado ang hinihinging budget ng CHR.

ILALABAN SA SENADO

Kaugnay nito, iginiit ni Senator Sonny Angara na malaki ang papel ng CHR sa paglaban sa pang-aabuso ng estado.

Sinabi naman ni Senator Bam Aquino na sa dami ng mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa sa ngayon ay dapat pa ngang madagdagan ang budget ng CHR, na “mandated to safeguard the rights of Filipinos, especially the marginalized and oppressed”.

KUNG MAGRE-RESIGN

Una nang sinabi ng mga pinuno ng minority bloc sa Kamara na posibleng bawiin ng Mababang Kapulungan ang budget na ibinigay nito sa CHR kung magbibitiw sa tungkulin si Gascon.

Ayon kay Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, pinangunahan niya ang mga kongresista ng oposiyon sa pagsuporta sa pagbabawas sa CHR budget dahil sa pagiging bias umano ni Gascon sa mga lumalabag sa karapatang pantao noong termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III, na nagtalaga rito.

“I am willing to ask the majority to reconsider if there will be a reorganization especially if he (Gascon) will resign. If he will stay there, we will stand pat on our support for the P1,000 budget,” sabi ni Suarez.

‘HE HAD IT COMING’

Sinabi naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Gascon din mismo ang dapat sisihin sa nangyari, bagamat umaasa siyang mababago pa ang nasabing desisyon.

“Ngayon ‘yang 1,000 na ibinigay na ng Congress sa opisina niya, kasi galit ang Congress sa kanya,” sinabi ng Pangulo sa isang press conference sa Libingan Ng Mga Bayani sa Taguig City. “Pero ako naman since it is really an organ of government, it’s on the Constitution. Maybe someday, they might review their decision. I’m not here to destroy institutions.”

“He had it coming,” sabi pa ni Duterte tungkol kay Gascon. “Ito si Gascon, palibhasa pro-dilaw talaga. He opens his mouth in a most inappropriate way and he conducts the business of being CHR. Walang alam.”