Ni: Orly L. Barcala

Habang isinusulat ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang obrero nang barilin ng isa sa tatlong lalaki na nagalit dahil naharangan ang kanilang daraanan sa Navotas City, nitong Martes ng gabi.

Nakaratay sa ospital si Abennego Plana, 31, ng Block 4, Lot 6, Phase 2, Area 2, Barangay NBBS ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng bala ng cal. 38 sa katawan.

Agad namang tumakas ang suspek na si Yuki Reyes, nasa hustong gulang, ng Tumana, Bgy. NBBS at dalawang hindi pa nakikilalang kasamahan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa report kay Police Sr. Supt. Allen Sumeg-Ong Ocden, hepe ng Navotas Police, nakikipag-inuman si Plana sa ilan niyang kaibigan sa Block 33, Site 8, Mandaragat Street, Bgy. NBBS, dakong 9:30 ng gabi.

Dumaan ang grupo ni Reyes, magkakaangkas sa isang motorsiklo, sa lugar at naiwan ng grupo ni Plana na nakaharang sa kalsada ang upuang kahoy na kanilang ginamit sa inuman.

Dahil dito, nagalit ang grupo ng suspek hanggang sa nagkainitan sina Reyes at Plana.

Sa oras na iyon, bumunot ng baril si Reyes at pinaputukan si Plana saka sumakay sa motorsiklo at humarurot kasama ang mga kasabwat.