INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes ang pinagsama-samang panukala na nagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sa Oktubre 23, 2017. Ipinanukalang idaos na lamang ang halalan sa Mayo 14, 2018.
Nakapaloob sa panukala ng Kamara ang probisyon na mananatili sa puwesto ang mga opisyal ng barangay at SK hanggang sa makapaghalal ng mga bagong pinuno. Una nang iminungkahi ni Pangulong Duterte na magtalaga na lamang ng mga pansamantalang opisyal, ngunit itinatakda ng Konstitusyon na kabilang ang mga opisyal ng barangay sa mga inihahalal ng bayan. Gayunman, pahihintulutan ang mga halal na opisyal na manatili sa holdover capacity.
Diretso na ngayon sa Senado ang nasabing panukala ng Kamara at hinihikayat natin na huwag nang magsayang pa ng oras sa pag-apruba sa bersiyon ng Mataas na Kapulungan sa nasabing panukala, upang tuluyan nang mawala ang mga alinlangan na ipagpapaliban na nga ang eleksiyon—gaya ng nangyari sa unang pagtatakda nito noong Oktubre 31, 2016. Ipinagpaliban din ito sa Oktubre 23, 2017, subalit ang batas na nagkakansela rito ay nilagdaan lamang bilang batas dalawang linggo bago ang nasabing petsa.
Sa lahat ng pag-aalinlangang ito, kinakailangang ipagpatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang mga paghahanda nito, kabilang ang pagsasanay sa lahat ng mangangasiwa sa mga lugar ng botohan, pagtukoy sa mga lokasyon ng voting precinct, preparasyon sa lahat ng kinakailangang gamit, at—higit sa lahat—tiyakin ang kasapatan ng mga balota.
Dahil walang idaraos na eleksiyon sa Mindanao, na mananatiling nasa ilalim ng batas militar hanggang sa matapos ang taon, nasa 60 milyong balota lamang ang kailangang iimprenta, sa halip na ang karaniwang 77 milyon. Nakapag-imprenta na ang Comelec ng 1.6 milyong balota alinsunod sa kontrata sa National Printing Office. Ito ang mga balota para sa Batanes, Biliran, Southern Leyte, Eastern Samar, Northern Samar, at Samar.
Bawat araw na inaantala ng Kongreso ang pagpapatibay sa batas na magpapaliban sa eleksiyon, kinakailangan namang tuparin ng Comelec ang schedule nito ng pag-iimprenta. Dapat nitong ipatupad ang mga itinakdang paghahanda, alinsunod sa umiiral na batas. Lalabagin nito ang sariling mandato kung ihihinto ang mga preparasyon.
Dahil dito, dapat lamang na apurahin ng Kongreso ang pagpapatibay sa mga kinakailangang batas. Nagawa na ng Kamara ang tungkulin nito. Kailangan nang madaliin ng Senado ang bersiyon nito ng nasabing panukala. Mahalaga ang bawat araw, dahil katumbas nito ang bawat araw na paggastos sa pag-iimprenta ng mga balotang masasayang din naman sa bandang huli.