Ni: Mary Ann Santiago at Beth Camia
Inihatid na kahapon sa huling hantungan ang labi ni Reynaldo “Kulot” de Guzman.
Bago ang libing, dinagsa ng mga kaanak at mga kaibigan ang huling araw ng lamay ni Kulot sa Anak-Pawis covered court sa Barangay San Andres sa Cainta, Rizal.
Pagsapit ng 8:00 ng umaga ay dinala ang labi ni Kulot sa San Antonio Abad Parish sa Bgy. Maybunga, Pasig City para sa isang banal na misa.
Matapos ang funeral mass, idiniretso ang labi ni Kulot sa Pasig Public Cemetery sa Bgy. Caniogan.
Natuloy ang libing sa kabila ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) na hindi si Kulot ang natagpuang bangkay nang hindi tumugma ang DNA nito sa DNA ng kanyang mga magulang.
Nanindigan naman sina Eduardo at Lina Gabriel, magulang ni Kulot, na anak nila ang bangkay.
DNA TEST PART 2, ISA PANG DNA TEST POSIBLE
Ipinauubaya na ng Department of Justice (DoJ) sa mga magulang ni Kulot at sa Public Attorneys Office (PAO) ang desisyon kung muling isasailalim sa DNA test ang labi nito.
NBI HIRAP KAY BAGCAL
Inamin ni Aguirre na nahihirapan ang National Bureau of Investigation (NBI) na ma-access sa grupong Rise Up na umano’y may hawak kay Tomas Bagcal na sinasabing hinoldap ni Carl Angelo Arnaiz.
Sa kabila nito, nanindigan si Aguirre na handa ang DoJ na proteksiyunan si Bagcal sa oras na lumapit ito sa kanila.