Ni: Celo Lagmay
SA kabila ng matinding kalbaryo na pinasan ng ating mga kapwa motorista dahil sa pagbaha na bunsod ni ‘Maring’, naniniwala ako na hindi natin kailanman dapat sisihin ang kalikasan. Manapa, ituring natin na ang lindol, bagyo, baha at iba pang kalamidad na likha ng langit, wika nga, ay naghahatid lamang ng hudyat upang mapaghandaan natin ang mga kapinsalaang hatid ng mga ito. Totoong hindi natin dapat labanan ang kalikasan.
Ang gayong paghahanda ang laging binibigyang-diin ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga text messages na ipinadadala sa mga mamamayan. Kumpleto sa detalye ang naturang mga mensahe – lakas ng bagyo, lalim ng baha, landfall ng bagyo at iba pa – upang makapaghanda at mailayo sa kapahamakan ang sambayanan sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Lagi namang nakahanda ang naturang ahensiya sa pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad.
Kamakalawa, ang natambad sa atin ay mga kapinsalaan at pagdurusa sa kalamidad na likha ng tao o man-made calamity.
Totoo na ang pagbaha na mistulang nagpalubog sa Metro Manila at sa iba pang lalawigan ay hatid ni ‘Maring’.
Subalit kapuna-puna na ang mabilis na paglalim ng tubig-baha ay sanhi ng baradong mga estero; hindi makadaloy ang tubig sa mga culvert o imburnal patungo sa Manila Bay dahil nga sa mga basura na walang pakundangang itinatapon ng ating mga kababayan.
Sa mga kalye na mistulang karagatan dahil nga sa pagbaha, kitang-kita ang mga kabataan na sinasadyang barahan ang mga estero upang lalong tumaas ang tubig na nagiging dahilan naman ng pagtirik ng mga sasakyan. Dito kumikita ang pangahas na mga kabataan sa pamamagitan ng pagtutulak sa tumirik na mga kotse.
Hindi kaya kakuntsaba ng mga ito ang kanilang pabaya at kunsintidor na mga magulang?
Higit pang dapat sisihin sa ganitong nakadidismayang sitwasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA). Ang naturang mga ahensiya ang dapat... na buntunan ng sisi dahil sa mga flood control projects at iba pang gawaing pambayan na hanggang ngayon ay nakatiwangwang. Sinimulan ito ng nakaraang administrasyon at itinutuloy ngayon ng kasalukuyang pamunuan. Subalit wala pa ring ganap na kaluwagang naidudulot ang mga ito sa sambayanan. Ang mabagal na implementasyon ng gayong mga programa ay laging isinisisi sa kapabayaan ng administrasyon.
Sinuman ang may likha ng kalamidad – kalikasan man o man-made calamity – mahalagang maging handa tayong lahat upang makaiwas sa anumang panganib.