Ni: Marivic Awitan

NAGTALA ng tig-dalawang panalo ang Centro Escolar University at defending senior champion San Beda College Alabang upang makamit ang maagang pamumuno sa 48th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) volleyball tournament.

Ginapi ng CEU ang Assumption sa loob ng apat na sets, 25-9, 25-27, 25-15,25-18 habang winalis ng San Beda ang baguhang University of Makati, 25-22, 29-27, 25-21, sa Rizal Memorial Coliseum nitong weekend.

Nauna rito, sa opening day tinalo ng San Beda ang Philippine Women’s University, 25-14, 25-18, 25-20, at pinataob ng CEU ang UMAK sa loob ng limang sets, 21-25, 25-14, 29-31, 25-19, 17-15.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagwagi rin ang De La Salle Zobel sa una nilang mga laban sa midget at junior division kung saan parehas silang reigning titlist.

Dinomina ng DLSZ ang St. Stephen’s High School, 25-5, 25-15, sa midgets division habang pinasadsad ng kanilang juniors counterpart ang host Poveda, 25-6, 25-9, 25-10.

Nangunguna ang San Beda na may dalawang panalo sa midgets level matapos talunin ang Poveda (25-11, 25-10) at Assumption (25-9, 25-16).

Namayani naman ang PWU sa seniors basketball kontra San Beda 96-43.

Sa juniors play, iginupo ng defending champion Chiang Kai Shek College ang Angelicum, 87-48, at pinadapa ng San Beda ang St. Paul College Pasig, 73-72, upang pamunuan ang Group A .

Sa Group B , nangunguna ang DLSZ na nagwagi kontra St. Jude Catholic School, 104-21, at sister team La Salle College Antipolo, na nanalo sa Poveda, 70-28.