Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang sanggol habang sugatan ang isang 12-anyos na babae nang matabunan ng lupa at mga kawayan sa Barangay Santa Cruz, sa Antipolo City, kamakalawa ng hapon.

Dead on arrival sa Antipolo Municipal Hospital si Lebron James Alozo, 1, ng Sitio Gumamela, sa Bgy. Santa Cruz habang nagtamo naman ng mga pasa at sugat sa mukha at binti si Margrie Cerillo, 12.

Sa ulat ng Antipolo City Police, gumuho ang lupa sa gitna ng matinding buhos ng ulan na dulot ng bagyong ‘Maring’, bandang 2:53 ng hapon.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Natutulog ang sanggol sa loob ng kanilang bahay kasama ang tagapag-alaga nito nang makarinig ng dagundong sa labas ng bahay.

Lumabas mula sa bahay ang tagapag-alaga at iniwan ang sanggol upang alamin kung ano ang pinagmulan ng ingay.

Naging mabilis ang pangyayari at tuluyang gumuho ang mga kawayan at ang lupa at natabunan ang bahay.

Agad dumating ang mga rescuer at nakuha ang sanggol ngunit patay na ito.

Samantala, nasugatan naman si Cerillo matapos na madaganan ng mga gumuhong lupa habang bumubuhos ang malakas na ulan sa lugar.

Mabilis itong hinugot mula sa pagkakadagan at agad isinugod sa ospital.