Ni: Beth Camia, Danny Estacio, Rommel P. Tabbad, Bella Gamotea, at Argyll Cyrus B. Geducos

Pitong katao ang namatay sa pananalasa ng bagyong ‘Maring’, kinumpirma kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pitong nasawi, dalawa rito ay taga-Taytay, Rizal; dalawa sa Calamba City, Laguna; isa ay taga-Lucena City, Quezon; isa sa Pasay; at isa ang isa pa ay taga-Silang, Cavite.

Kinilala ng awtoridad ang dalawang nasawi sa Laguna na sina Franzine Jhane Monge, 3, ng Barangay Parina; at Lawrence Murillo, 14, ng Bgy. Mapagong.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaugnay nito, sinimulan kahapon ng Office of the Civil Defense at ng NDRRMC ang damage assessment.

Sa inisyal na ulat, ang Region 4 o Calabarzon area ang lubhang naapektuhan matapos lumubog sa baha ang Cavite, Laguna, at Quezon.

LALABAS NA NG PAR

Lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang mga bagyong Maring at ‘Lannie’ sa loob ng 24 oras, inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon ng umaga.

Gayunman, ayon kay Nico Peñarada, weather forecaster ng PAGASA, masyado pa ring mapanganib na pumalaot sa western section ng Central at Southern Luzon.

Huling namataan ang Maring sa layong 370 kilometro ng Iba, Zambales na may taglay na hanging 85 kilometers per hour (kph) at bugsong 105 kph.

BAHA HUMUPA NA

Humupa na ang baha sa ilang apektadong lugar sa National Capital Region (NCR) at mga karatig-lalawigan sa Luzon kasabay ng inaasahang paglabas ng Maring.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), umabot sa 38 lugar ang nagmistulang ilog dahil sa baha kabilang ang Las Piñas, Taguig, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Makati City at Pateros, dakong 8:00 ng gabi nitong Martes.

Nasa 70 pamilya o 302 indibiduwal ang inilikas sa Rene Cayetano Science High School sa Taguig City; anim na pamilya sa Manuyo Uno Elementary School sa Las Piñas; at pitong pamilya naman ang dinala sa Cupang covered court sa Muntinlupa.

GOBYERNO AAYUDA

Siniguro ng Malacañang sa publiko na nakaantabay ang ilang ahensiya upang alalayan at respondehan ang mga biktima ng bagyo.

Nitong Miyerkules ng umaga, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) na nasa 2,103 pamilya ang naapektuhan at 1,857 sa mga ito ay tumutuloy sa 116 na evacuation center.

“We ask everyone to stay dry, safe and alert regarding Tropical Depression Maring, which is expected to exit the Philippine Area of Responsibility (PAR) tonight or early tomorrow morning,” pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

“We advise the public to get regular weather bulletin updates from the PAGASA and other official government websites or social media accounts,” dagdag niya.