Nina ROMMEL TABBAD, ELLALYN RUIZ, DANNY ESTACIO, at BELLA GAMOTEA
Nalubog kahapon sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila at Southern Luzon dahil sa maghapong malakas na buhos ng ulan na dulot ng bagyong ‘Maring’ makaraan itong mag-landfall sa Mauban, Quezon kahapon ng umaga bago dumaan sa Southern at Central Luzon, kabilang ang National Capital Region (NCR) bandang hapon.
Nakapag-ulat din ng mga pagguho ng lupa sa Taytay, Rizal; Nasugbu, Batangas; at sa mga bayan ng Atimonan at Calauag sa Quezon. Sa Taytay, isang magkapatid na edad 14 at 17 ang nasawi makaraang maguhuan ng lupa ang kanilang bahay sa kasagsagan ng buhos ng ulan.
Sa Pasay City, nalunod naman ang 12-anyos na si Samantha Zamora, ng Barangay 177 sa Malibay, nang matangay ng agos sa paliligo niya sa Galina River sa Maricaban.
Ayon kay Lory dela Cruz, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dakong 9:00 ng umaga nang mag-landfall ang Maring sa Mauban at bago magtanghali ay namataan ang sentro ng bagyo sa silangang Laguna at Manila area.
Taglay nito ang lakas ng hangin na nasa 60 kilometers per hour (kph) at bugsong 100 kph, habang kumikils pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.
16 NASA SIGNAL NO. 1
Kaagad namang itinaas ng PAGASA ang Signal No. 1 sa 16 na lugar: Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Camarines Norte, Camarines Sur, hilagang Quezon, katimugang Aurora, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, at Pangasinan.
Sinabi naman ni Elmer Caringal, hydrologist, na nagpalabas na rin ang PAGASA ng flood warnings sa 11 rehiyon na posibleng bahain, partikular ang mabababang lugar, bukod pa sa landslides sa mga kabundukan. Inalerto sa baha at pagguho ng lupa ang Cordillera, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Davao Region.
Inaasahang nasa 205 kilometro ng kanluran ng Iba, Zambales ang bagyong Maring ngayong Miyerkules ng hapon, habang hindi na masyadong uulanin ang Southern Luzon, Mimaropa, Pangasinan at La Union bukas, Huwebes.
Nilinaw din ng PAGASA na ang nararanasang pag-uulan ay epekto lamang ng bagyong Maring, dahil ang isa pang bagyo sa bansa, ang ‘Lannie’, ay walang direktang epekto sa atin, at posibleng lalabas na ng Pilipinas sa Huwebes habang tinutumbok ang Taiwan.
NUMBER CODING SINUSPINDE
Samantala, kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila, kabilang ang Taft Avenue at R. Papa sa Maynila, EDSA Shrine, EDSA-Quezon Avenue, EDSA Boni, C-5 Eastwood, Commonwealth, E. Rodriguez-Araneta-Petron, Pasong Tamo at East Avenue.
Binaha rin ang Muntinlupa City at nasa 27 katao ang lumikas sa Cupang covered court; gayundin sa Pateros, Parañaque, Las Piñas, Taguig, at Camanava.
Sinuspinde ng MMDA ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme upang magamit ang mga pribadong sasakyan sa posibleng paglilikas sa mga residente at mga pasaherong stranded sa baha.
STRANDED
Mahigit 1,000 pasahero naman ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Bicol, Southern Luzon at Metro Manila.
Binaha rin ang malaking bahagi ng Cavite, Laguna, Marinduque, at Quezon, kung saan 14 na katao ang nasugatan.