Hindi nakaligtas sa awtoridad ang isang vendor na itinuturing na No. 1 most wanted person (MWP) sa Eastern Police District (EPD) at No. 2 EPD priority high-value target (HVT) dahil sa umano’y paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni EPD Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang naarestong suspek na si Jan-jan Tulagan, alyas Ambo, 26, ng Asilo Ville, sa Bgy. Pinagbuhatan.

Sa ulat ng Pasig City Police, inaresto ang suspek sa A. Sandoval Avenue, sa Bgy. Pinagbuhatan, dakong 12:30 ng madaling araw.

Nagkasa ng buy-bust operation ang awtoridad laban sa suspek matapos matukoy ang kinaroroonan nito.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Matapos magkaabutan ng P500 buy-bust money at shabu, agad pinosasan si Tulagan.

Narekober mula sa suspek ang limang pakete ng umano’y shabu, buy-bust money at isang sky blue na Chrysler SUV (JTT-827).

Sa record verification, bukod sa pagiging No. 1 EPD MWP at No. 2 Priority HVT ay may nakabimbin ding mga warrant of arrest si Tulagan para sa tatlong kaso ng murder, homicide at theft. - Mary Ann Santiago