Pedestrians walk on foot the murky lood water of Manila  brought by the the heavy rains of Tropical Depression Maring, Tuesday. MBPHOTO.CAMILLE ANTE

Nina Merlina Malipot, Beth Camia, Bella Gamotea, at Rommel Tabbad

Sa patuloy na pananalasa ng bagyong 'Maring' simula nitong Lunes, inaasahang mananatiling suspendido ang klase sa ilang pampubliko at pribadong paaralan ngayong Miyerkules, Setyembre 13.

Sa Zambales, inihayag na ng pamahalaang panglalawigan na suspendido ang klase sa lahat ng antas ngayong araw. Kahapon, Setyembre 11, ang mga klase sa lahat ng antas— mula pre-school, elementary, high school at college – ay sinuspinde sa Metro Manila partikular na sa Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Manila, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig, at Valenzuela.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinansela rin ang klase sa lahat ng antas sa Quezon Province, Bataan, Batangas, Laguna, Tarlac, Nueva Ecija, at Cavite gayundin sa Bulacan partikular na sa Angat, Bocaue, Hagonoy, Guiguinto, Malolos, Marilao, Meycauayan, Norzagaray, San Jose del Monte, San Ildefonso at Obando.

Sa Pampanga, kinansela rin ang klase sa lahat ng antas sa Mabalacat, Magalang, Mexico, at Sta. Rita habang pre-school hanggang elementary naman sa San Fernando.

Sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas sa Rizal partikular na sa Antipolo City, Binangonan, Cainta, Cardona, Morong, at Taytay.

Wala ring klase mula pre-school hanggang high school sa mga pampublikong paaralan sa Teresa.

Sa Oriental Mindoro, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa Calapan gayundin sa Camarines Sur at Iloilo.

Samantala, kinansela rin ang klase mula pre-school hanggang high school sa ilang bahagi ng Bulacan kabilang ang Bustos, Calumpit, Paombong habang wala ring pasok mula pre-school hanggang elementary sa Pulilan, at Sta. Maria.

Inihayag din ng Malacañang ang suspensiyon sa trabaho sa ilang government offices sa Maynila, Region III, at Calabarzon – Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Sinuspinde rin ng Supreme Court ang trabaho sa mga korte sa tatlong rehiyon dahil sa baha.

Nagdesisyon din ang ilang pribadong kumpanya na pauwiin nang maaga ang kanilang mga empleyado.

Samantala, aabot sa 18 domestic flights ang kinansela kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Maring.

Sa anunsiyo ng NAIA Media Affairs, kinansela ng Philippine Airlines (PAL), Skyjet at CebGo ang ilang domestic flight ng mga ito, bandang 12:30 ng hapon.

Kabilang sa mga naantala ay ang biyaheng Maynila papuntang Legazpi, Siargao, Basco, San Jose, Mindoro, Busuanga, Naga, Cebu at pabalik.

Pinapayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline companies para sa rebooking o refund ng kanilang ticket.

Nagdesisyon din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin ang biyahe ng mga bus patungong Quezon at Aurora.