DALAWANG mapaminsalang bagyo ang nanalasa sa Amerika sa nakalipas na dalawang linggo — ang Hurricane Harvey, na nanalanta sa katimugang Texas sa lakas ng hanging aabot sa 209 kilometers per hour (kph); at ang isa pa, ang Hurricane Irma na sumasalanta ngayon sa Florida sa lakas ng hanging aabot sa 219 KPH makaraang ilugmok sa pagkawasak ang Cuba at ang Bahamas.
Ang Harvey ang pinakamapaminsalang bagyo na nanalasa sa Texas sa nakalipas na mahigit 50 taon, ngunit higit na matinding pinsala ang naidulot ng baha kaysa ulan na dala ng bagyo; isang ilog sa timog-kanluran ng Houston ang tumaas ng 18 metro, na hindi pa nangyari sa nakalipas na 800 taon.
Mabagal na kumikilos ang Irma sa kanlurang baybayin ng Florida, kung saan libu-libong katao ang napilitang lumikas sa mga fallout shelter habang libu-libong iba pa ang nagtungo naman sa kanluran patungong Georgia at sa iba pang estado, dahil sa mga babala ng daluyong na maaaring umabot sa hanggang apat at kalahating metro.
Ang dalawang nabanggit na bagyo ang huling halimbawa ng matitinding kalamidad sa mundo. Sa kalagitnaan ng nakalipas na buwan, ang matinding init ay nagdulot ng pagliliyab ng kagubatan at pagkapinsala ng maraming pananim sa buong katimugang Europe. Sinalanta ng heat wave ang France, Italy, Spain, Greece, Switzerland, hanggang sa silangang Europa.
Batay sa isang pag-aaral kamakailan, tumindi pa ang kakayahan ng mga bagyong karaniwang nananalasa sa China, Japan, Korea, at Pilipinas sa nakalipas na 40 taon dahil sa pag-iinit ng karagatan. Ang super bagyong ‘Yolanda’ na nanalasa sa bansa noong 2013 ay may lakas ng hanging aabot sa 315 kph, at pumatay sa mahigit 6,000 katao, at nanalanta rin maging sa Guam, Taiwan, Hong Kong, at Vietnam.
Nagkakasundo ngayon ang mga siyentista na ang patuloy na pagtindi ng mga kalamidad ay sanhi ng pagtaas ng pandaigdigang temperatura, na epekto naman ng pagdami ng carbon dioxide sa papawirin bunga ng polusyon na nagmumula sa mga pabrika at sasakyan sa mundo, karamihan ay sa Amerika at China.
Nagpasya ang China na direktang aksiyunan ang usaping ito nang magplano itong ipagbawal ang pagbebenta at produksiyon ng mga sasakyang gumagamit ng fossil fuel at hinimok ang mga lokal na manggagawa ng sasakyan na magbuo ng mga sasakyang de-kuryente. Plano rin ng Germany at United Kingdom na ipagbawal ang bentahan ng mga fossil fuel-powered vehicle pagsapit ng 2040. Maraming kumpanya ng sasakyan — ang Volvo, Jaguar, Aston Martin — ang lilikha na lamang ng mga de-kuryente o electric-hybrid na sasakyan.
Taliwas dito, binawi ni President Trump ang suporta ng Amerika sa Paris Agreement on Climate Change, tinanggihan ang layunin nitong mapabagal ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura, dahil higit niyang pinoproblema ang kapakanan ng coal industry ng Amerika. Umaasa ngayon ang mga nagsusulong ng mga hakbangin kontra climate change na sapat na ang pananalasa ng mga bagyong Harvey at Irma upang mapagbago siya ng isip at ibalik ang Amerika sa sentro ng pandaigdigang kampanya upang bawasan ang mga aktibidad ng tao na nagdudulot ng paglubha ng mga kalamidad sa mundo.
Isa pang kalamidad — ang magnitude 8.2 na lindol na yumanig sa Mexico na nasa kanlurang bahagi lamang ng Amerika—ang sumabay sa pananalanta ng Harvey sa Texas. Maaaring hindi ito direktang may kaugnayan sa climate change, ngunit itinuturing ito ng ilan bilang pagganti ng Inang Kalikasan sa pang-aabuso ng sangkatauhan sa mga likas yaman at sa kapaligiran.
Sa unang araw ng buwang ito, kapwa ginunita ng mga Simbahang Katoliko at Orthodox ang World Day of Prayer for the Care of Creation. Nagsalita sa harap ng regular niyang mga tagapakinig sa St. Peter’s Square, umapela si Pope Francis sa sangkatauhan “to listen to the cry of the earth and the cry of the poor, who suffer most because of the unbalanced ecology.”
Isa itong direktang panawagan sa pinakamauunlad na bansa sa mundo, ngunit para rin ito sa atin at sa iba pang dako ng mundo, umaapela sa atin na pagnilayang mabuti kung paano tayo nakaaambag sa pagdurusang idinudulot ng sangkatauhan sa Inang Kalikasan.