NANINIWALA si Ejay Falcon na buhay pa ang kanyang tunay na ama na isang Pranses dahil bata pa naman ito na sa tantiya ng nanay niya ay mahigit 50 years old lang at kamukha niya.

Walang ideya si Ejay kung may pamilya ang kanyang tunay na ama at kung ilan ang kapatid niya kaya umaasa siya na matagpuan ito at makilala niya.

EJAY AT JANA
EJAY AT JANA
Nagpapaimbestiga na si Ejay tungkol sa amang French at kung kinakailangan niyang pumunta sa bansa nito ay gagawin niya.

Nabanggit ng binata sa interview para sa promo ng The Promise of Forever na hindi marunong magsalita ng English ang mga Pranses at baka mahirapan siyang makipag-usap.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Hindi rin naman ako gamay mag-English, eh, di pakiramdaman na lang, baka lukso ng dugo na lang,” pakli ni Ejay.

Ano ang unang sasabihin ni Ejay kung sakaling magkita na sila?

“Papa (binigkas na ‘fafa’), paano ba? Hindi ko pa alam. Hindi ko pa agad naiisip hangga’t hindi pa nangyayari, kasi baka I’ll just cross the bridge when I get there,” pahayag ng aktor.

May senaryo nang naglalaro sa isip ni Ejay kapag nagkita sila, “Sana kasama ko nanay ko.”

Inamin ni Ejay na nabu-bully siya ng mga kalaro noong bata pa siya dahil sa kakaibang itsura niya, pero huli na nang malaman niya hindi pala kasi Pinoy ang kanyang ama.

“Hindi ko naramdaman na kulang ako kasi may tumayong tatay ko that time, so maski na binu-bully ako ng mga kalaro ko, dedma ako kasi kumpleto ang pamilya ko, may tatay at nanay ako,” pagbabalik-tanaw ng aktor.

Nalaman ni Ejay ang katotohanan nang tumuntong siya sa edad na 13 dahil napag-usapan nila ng nanay niya.

“Pero hindi ko pa rin in-entertain ‘yung thought na iba tatay ko. Pero nu’ng nasa PBB (Pinoy Big Brother) na ako, na’kuwento ko nga.”

Apat ang kapatid ni Ejay sa nanay at sa stepfather niya at siya ang tumayong panganay. Breadwinner siya, kaya nahirapan siyang magkaroon ng love life noon.

Pero ngayon ay open na si Ejay sa babaeng mahal niya, nakilala na ito ng magulang niya, at boto sila.

Matatandaang nakailang girlfriends noon si Ejay at isa na nga si Yam Concepcion pero hindi inamin ng aktor, saka lang siya umamin nang maghiwalay sila at humingi siya ng dispensa sa dalaga.

Ang girlfriend ni Ejay ngayon ay si Jana Roxas, dating contestant sa Starstruck. Natawa nga ang aktor nang kumustahin namin ang love life niya dahil nahuli namin silang nanood ng sine sa Robinson’s Magnolia at isinulat namin.

“Siya nga, may patsinita-tsinita ka pa (sinulat), bagu-bago pa lang kasi kami noon, pero ngayon okay na, puwede na (ilantad),” tumatawang sabi ng binata.

Naklaro na rin sa amin na walang anak si Jana dahil nga nakita rin namin ito (sa ibang pagkakataon) na may kasamang bata.

“Wala siyang anak, dalaga pa. ‘Yung batang kasama niya, pamangkin niya ‘yun. Wala rin siyang asawa. Mayroon siyang dating karelasyon pero hindi sila kasal,” kuwento ni Ejay.

Saan sila nagkakilala?

“’Yung kaibigan ko sa PBB, matagal na kaming magkaibigan (ni Jana), ginagawa ko pa lang ‘yung Pasion de Amor, eight months na kami.”

Hindi nila pinag-uusapan ang kasal.

“Siyempre lahat naman tayo kapag may karelasyon gusto natin iyon na, pero as of now hindi pa namin pinag-uusapan ‘yun, nag-eenjoy muna kami, masaya kami ngayon. Nagbi-business na siya ngayon, hindi na siya artista,” kuwento ng binata.

May mga nakakakita kay Ejay sa condo building na tinitirhan ni Jana kaya tinanong namin kung sleep-over siya o doon na rin nakatira.

“May bahay po ako sa Taytay (Rizal), kapitbahay ko sina Toni (Gonzaga-Soriano) at condo sa Congressional.”

Kasama ni Ejay sa bahay ang mga kapatid niya at lumuwas naman ang kanyang ina ngayon.

Anyway, maganda at challenging ang role at malaki ang exposure niya sa The Promise of Forever dahil ka-love triangle siya nina Ritz Azul at Paulo Avelino.

“Tulad po ng sinabi ko, kapag sobrang in love ka, nagiging grey ang pagkatao mo dahil sa selos. Sa tunay na buhay siguro puwedeng mangyari sa akin, lahat naman siguro magiging ganu’n. Pero siguro hindi naman ako makakapatay,” kuwento ni Ejay.

Dalawa ang serye ngayon ni Ejay, ang Promise of Forever at FPJ’s Ang Probinsyano at may sisimulan pang bago katambal ulit si Erich Gonzales na una niyang nakasama sa Katorse.

“Masaya kasi ito ‘yung balik-tambalan namin. Nu’ng nalaman ko nga na si Erich uli ‘yung kasama ko, tinext ko siya, sabi ko, ‘Uy, may bago ka raw show!’ ‘Tapos sabi niya, ‘Oo at kasama ka!’ ‘Tapos sinagot ko ng, ‘O, ‘wag mo akong tatalakan kapag take 30 ako, ha?” pagtatapat ni Ejay. “Sobrang okay na kami ni Erich ngayon, kasi dati aminado naman ako na ang dami kong pagkukulang bilang tao at bilang artista.”

Sa ngayon, hindi na raw alam ni Ejay kung ilang takes na lang siya, pero definitely hindi na take 30.

“Matututo ka naman, aminado naman ako na that time namura at napagalitan ako ni Direk Malu (Sevilla). Kung hindi nila ako ganu’n hindi siguro ako matututo o magpupursige.

“May nagkuwentong artista sa akin na kasama ko sa Ang Probinsyano na kuwento raw ni Direk Malu na noong ginagawa namin ang Katorse ay sobra ang pinagdadaanan niya, pero ngayon daw okay na. So nakakataba ng puso, masaya at masarap (na) naitatawid ko na ang mga bagay-bagay,” pagtatapat ni Ejay.

Marami ang karakter na gusto pang gampanan ni Ejay.

“Sana mabigyan ako ng project na sexy, drama, action at comedy na magawa ko lahat.”

Samantala, natatawang ikinukuwento ni Ejay na sa sobrang pagmamalaki ng nanay niya sa kanya ay may public viewing sa bahay nila.

“Kapag nanonood kasi ang nanay ko, nagyayaya pa siya ng kaibigan. Sasabihin niya sa mga kaibigan niya, ‘yung anak ko, nasa Probinsyano ‘tapos sa probinsiya namin, di ba, minsan nagba-brownout, magbubukas pa ng generator ‘yun.”

Ang peg ni Ejay ay si Eddie Garcia na halos lahat ng role ay nagawa na at respetadong aktor.

“Kahit hindi super icon basta’t kasing laki ng mga artistang nakikita natin ngayon basta nirerespeto ka,” sabi ng aktor.

Ano ang mahalaga sa kanya, award o kumikitang pelikula?

“Gusto ko talagang magka-award kasi ang sarap ng feeling. ‘Yun kasi ‘yung hindi nababayaran, ‘yung ‘pag nagka-award ka, iyon ‘yung masasabing na-appreciate ka ng tao,” mabilis niyang sagot.

Sandaling napaisip si Ejay nang sabihin namin na ang award, iilan lang ang nakaka-appreciate tulad ng hurado unlike kapag kumita ang pelikula na marami ang natuwa.

“Well, sa ngayon kasi nandoon pa ako sa kategoryang wala pa akong pelikulang box office, kaya hindi ko pa masasabing gusto kong kumita ang pelikula kasi hindi ko pa naiisip. Kaya dito muna ako sa magandang material na ino-offer sa akin, kaya sa award muna ako,” paliwanag ng binata.

Okay ba sa kanya ang gay roles?

“Nahirapan ako. Sobrang nahirapan ako ‘yung ginampanan ko sa MMK (Maalala Mo Kaya, 2011) kasi ang laki kong tao ‘tapos gay ako na naka-dress. Pero sabi nga ni Tito Eddie sa akin na darating ang time, hahanapin ko kasi sa rami raw ng ginawa na niya, naging bored na raw siya kaya hinanap niya ang gay role.

“Sabi rin ni Tito Albert (Martinez), maghahanap ako ng bago na matsa-challenge ako, pero nahirapan talaga ako sa gay role. Puwede siguro katulad ng ginawa ni John Lloyd Cruz sa kanila ni Luis (Manzano, In My Life, 2009), baka naman puwede, mga nuisances lang at gesture, puwede. Pero ‘yung nagdadamit-babae ako na ang laki-laki kong lalaki, parang ang hirap itawid nu’n. ‘Pag naitawid ko, siguro iyon na ‘yung award ko.

“Kissing scene sa lalaki, hindi ko pa alam kasi wala pa namang offer. ‘Pag nandiyan na siguro at kung may script na ibinigay, saka na natin pag-usapan. At naramdaman kong ang sarap gawin kapag nabasa ko na, iyon ‘yun,” masayang kuwento ni Ejay.

Sa pilot episode ng The Promise of Forever nitong Lunes ay hindi pa ipinakita ang karakter ni Ejay.