Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
2 n.h. -- UE vs FEU
4 n.h. -- UP vs Ateneo
PAG-AAGAWAN ng magkapitbahay na University of the Philippines at Ateneo de Manila University ang maagang pamumuno sa unang edisyon ng "Battle of Katipunan" ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament ngayong hapon sa Araneta Coliseum.
Kapwa naipanalo ng Maroons at Blue Eagles ang kani-kanilang unang laban, ang una kontra University of Santo Tomas Tigers, 74-73 at ang huli kontra Adamson, 85-65.
Nakatakda silang magtuos sa tampok na laro ngayong 4:00 ng hapon pagkatapos ng unang tapatan sa pagitan ng University of the East at Far Eastern University ganap na 2:00 ng hapon.Naisalba ang Maroons ng isang 3-point shot ni Paul Desiderio sa huling 1.1 segundo ng laro kontra sa Tigers habang maituturing namang blow-out ang panalo ng Blue Eagles kontra Falcons na naglarong wala ang slotman na si Cameroonian Papi Sarr.
Dahil dito, nanalasa at kinontrol ng Blue Eagles ang board sa pamumuno ni Nigerian Chibueze Ikeh na nagtala ng 17-rebounds, 12 dito ay pawang offensive boards.
Ngunit, ayon kay assistant coach Sandy Arespacochaga, kahit naglaro si Sarr, inaasahan na nila ang magandang lalaruin ni Ikeh dahil talagang nag-i-step-up na ito sa kanyang laro kahit sa ensayo.
Kaya naman, muli nila itong sasandigan upang makabalikat ng mga starters sina Thirdy Ravena, Anton Asistio at Vince Tolentino upang pamunuan ang Blue Eagles kontra UP.
Sa panig ng Maroons, nangako naman ang mga itong gagawin ang lahat upang masabayan ang last year’s finalist Ateneo.
“Basta gagawin namin ang lahat ng aming makakaya. Malay natin di ba, “ wika ni Desiderio na aasa naman ng tulong mula kina Gelo Vito, Diego Dario at rookie big man Ibrahim Quattara.
Mauuna rito, magsisikap namang parehas na makabangon mula sa natamong unang kabiguan upang makaiwas na malaglag sa ilalim ng standings ang Red Warriors at Tamaraws.
Babawi ang Red Warriors mula sa 69-86 na kabiguang natamo sa kamay ng National University Bulldogs habang magkukumahog namang makabangon ng Tamaraws sa 90-95 na pagkatalo nila sa defending champion La Salle Green Archers.