Ni DINDO M. BALARES
WORRIED sa health ni Coco Martin ang mga taong nakapaligid sa kanya ngayong pinagsasabay niya ang taping ng FPJ’s Ang Probinsyano at shooting ng Ang Panday.
Tuwing simula ng linggo hanggang midweek, sa serye ng Dos ang trabaho niya. Sa natitira pang mga araw, sa pelikula naman. Actor at creative consultant siya ng Probinsyano samantalang actor/co-scriptwriter/director/producer naman ng Panday.
Hindi siya tulad ng ibang actor na dumarating sa set na walang ibang iniintindi kundi ang gagawin sa harap ng camera.
Umaandar ang utak niya para sa napakaraming bagay. So, siyempre, bukod sa laging bugbog sa pagod ang katawan, kulang sa tulog, pigang-piga rin ang utak. Kaya worried na ang mga nagmamalasakit sa kanya at pinapayuhan siyang magpahinga.
Pero passionate si Coco sa pagbibigay ng aliw sa kanyang audience. Kung sabagay, passionate talaga siya sa kahit anong trabaho -- maging nang una siyang sumali sa work force ng bansa bilang waiter.
Kaya paano nila magpagpapahinga si Coco Martin sa panahong ito? Hindi na basta-basta ang demand sa trabaho niya. No. 1 ang Probinsyano sa lahat ng TV programs, pero hindi siyempre puwedeng makampante. Hindi puwedeng lumaylay ang istorya, kailangang ma-sustain ang momentum or else bibitiwan sila ng televiewers.
Mabuti na lang, napapangatawanan ito ng Dreamscape Entertainment.
Itong Ang Panday naman, unang directorial job at film production venture ni Coco. Puwede sanang petiks lang, kasi may malaking following naman ang franchise. Kaya lang, ayaw ni Coco ng malasadong trabaho.
Kitang-kita ‘yan sa lahat ng mga nagawa na niyang mga pelikula at TV series. Kaya nga hindi siya kuntentong umaarte lang, sumasali siya sa creative think-tank. Kay Coco, hindi puwede ang puwede na.
Kanya ang vision ng bagong Ang Panday. Nalaman namin sa kaibigan naming insider sa bagong production outfit ni Coco na nang bilangin nila, 80 stars ang kanilang artista. Bakit ganito karami? Dahil tatlong magkakaibang daigdig o mundo ang set. Kaya hindi lang simpleng shooting ang nangyayari.
Sa 80 artistang bumubuo sa Panday, walang duda na ito na ang pinakamalaking pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival sa buong kasaysayan nito.
Napanood na rin ng source ko ang rushes ng mga nakunan nang eksena ni Coco.
“’Pag napanood mo, siguradong masasabi mo rin na ibang-iba ang atake ni Coco as director,” kuwento ng spy ko. “Lalo na ang action sequences, fabulous talaga! Excited na kaming matapos ang pelikula. Ngayon pa lang gusto na naming mapanood nang buo.”
Kung ganoon, hindi na kaduda-duda ang magiging resulta ng paparating na MMFF. Tiyak na muling mararamdaman ang dating sigla ng pista ng pelikulang sariling atin.
Sa entry pa lang ni Coco, tiyak nang babalik sa mga sinehan ang mga bata at ang kanilang mga magulang na absent sa MMFF last year.