Ni LEONEL M. ABASOLA

Muling hinamon ni Senator Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte na lumagda rin ng bank waiver para masilip ang mga bank account nito katulad ng ginawa niyang pagpayag na buksan ng Office of the Ombudsman at Anti Money Laundering Council (AMLC) ang kanyang bank accounts.

Kahapon, ipinakita ni Trillanes ang 12 waiver na kanyang nilagdaan na kumakatawan naman sa bilang ng mga bangko na sinasabi mismo ni Pangulong Duterte na mga “offshore account” niya.

“Do your worst, itodo mo na. I will not destroy you with fabricated information, documented ito,” ayon kay Trillanes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, dalawa sa mga bangko na tinukoy ng Pangulo ay peke at mali ang pangalan at saklaw din ng kanyang waiver na tingnan ang closed accounts niya kung meron man.

“Magpakalalaki ka. Gagawa ng kuwento, mali pa. Ganoon kapalpak si Duterte. Ayusin mo, hindi puwedeng verbal, kailangang written,” ani Trillanes.

Aminado naman si Trillanes na nagtagumpay si Pangulong Duterte na ilihis ang isyu laban sa anak nitong si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Atty. Mans Carpio kaugnay ng pagpuslit ng P6.4-bilyon shabu sa Bureau of Customs (BoC).

Aniya, tama naman ang mga nagpapakita ng tattoo dahil wala silang itinatago kumpara sa batang Duterte na hindi magawang itanggi ang tattoo.

“Diversionary [tactic] ito. Dapat kanina nasa BoC hearing ako, eh, kailangang matapos ito,” ani Trillanes. “Miyembro ng triad si Paolo, ito ang namumuno sa smuggling at importasyon ng droga. ‘Di niya na-deny ang membership niya last hearing sa sobrang focus niya sa tattoo sa likod.

Sinabi pa niya na tapos na rin ang panahon ng fake news, at nagbantang kakasuhan sina Erwin Tulfo, Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson, at isang Ben Tisorna.