Ni: Reggee Bonoan
NAG-PILOT na kahapon ang much awaited na The Promise of Forever nina Paulo Avelino, Ejay Falcon at Ritz Azul sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Sa grand launch ng serye, tinanong ang tatlo kung bakit dapat maging forever ang isang pangako.
“’Pag nagpakasal ka kasi ‘yung oath mo hindi lang sa ‘yo kundi saksi rin ang Diyos for sickness and health and for better or worst,” sagot ni Paulo. “Habambuhay mo nang ibinibigay ‘yung sarili mo sa isang tao para damayan ka at samahan ka habambuhay.”
“Kapag nagpakasal ka, magiging isa na kayo kaya ibibigay mo ‘yung buhay mo sa asawa mo na makakasama mo habambuhay,” say ni Ejay.
“Tingin ko naman po, una, pinaghihirapan ‘yan, pinagtatrabahuan ninyong parehas,” pahayag naman ni Ritz. “Sakripisyo ‘yung pagse-sealed ng love ninyong dalawa, tingin ko magiging forever talaga kasi pinagsakripisyuhan at sobrang halaga na hindi na ninyo mabibitawan ang isa’t isa.”
Ano ang mas type ni Ritz, lalaking mukhang mabait pero mabagsik o mukhang kanto pero sinasamba naman siya?
“Ako. para sa akin, ‘yung mamahalin akong tunay, ‘yung genuine siya na hindi niya ako pababayaan,” sagot ng dalaga.
“Ako ‘yun!” salo ni Paulo.
Sino kina Paulo at Ejay ang posibleng magustuhan ni Ritz?
“Ang hirap kasi magkaiba sila. Si Paulo tahimik, si Ejay madaldal ‘tapos mas close siya sa sarili niya. Ako mas nalalaman ko ‘yung sarili niya (Paulo), mas close siya (Paulo) sa akin. Parang contrast kasi sila. Personally, mas gusto ko ‘yung misteryoso type, pero gusto ko rin ‘yung sinasabi lahat sa akin,” paliwanang ng aktres. “Sa physical, mas gusto ko ‘yung clean. Allergic ako sa ano,” sabay tingin kay Ejay.
“Ganito lang ako dahil sa Ang Probinsyano (member ng SAF ang role) kasi kapag SAF, bawal mag-shave ‘tapos nakakulong pa kami ro’n,” pagtatanggol ni Ejay sa sarili.
“Kaya nga kay Paulo ako, eh, at toned lang ang katawan,” ganting sagot ni Ritz.
“Kaya sa madaling salita, si Pau,” say ni Ejay.
Nagkatawanan ang lahat dahil halatang-halatang si Paulo ang gusto ni Ritz na may paliwanag naman kung bakit.
“Habang nagtatrabaho kami ay nakikilala namin ang isa’t isa so, mas nalalaman namin kung saan mas naiinis ‘yung tao o mas gusto niya. Siguro kahit paano, nakilala ko sila parehas kasi mahigit one year din kaming nagsama sa trabaho,” sabi ng aktres.
Hindi itinanggi ni Ritz na nag-adjust siya sa dalawang leading man niya dahil, “Intimidated ako sa kanila parehas kasi alam ko marunong silang umarte,” na hiniritan ni Paulo ng, ‘Parang kami naman ‘yung nag-adjust.’
“Pero totoo naman, nag-adjust din sila sa akin, inalalayan nila ako, alam nilang medyo hirap ako sa pakilig, medyo doon ako nahihirapan kasi hindi pa ako nagka-boyfriend. Kaya nagpatulong ako sa kanilang dalawa kung paano at tinulungan naman nila ako, inalalayan nila ako,”paliwanag ng aktres.
“Natural ka nga magpakilig, eh,” hirit uli ni Paulo. “Parang feeling ko, nagka-boyfriend ka na, ha-ha-ha! Joke lang.”
“Feeling niya, at least, oh... artista,” mabilis na depensa ng dalaga. “Nu’ng umpisa talaga, mga first taping days namin lalo sa Europe, sobrang tensed ko, ang tigas ng katawan ko, makikita mo sa kamera ‘yung mukha ko, nasasabihan ako ng direktor minsan. ‘Tapos kinausap ko si Paulo, sabi ko, ‘tulungan mo naman ako, nahihirapan ako.’
“Kasi tahimik si Paulo and since then nag-start na siyang magkuwento nang magkuwento, tinulungan niya ako kung paano maging at ease,” kuwento ni Ritz.
Ang pagkakakilala naman ng dalaga kay Ejay, “Kay Ejay medyo nadalian ako kasi open siya kaagad nu’ng storycon pa lang, sobrang marami na siyang kuwento kaya nadalian ako.
“Sobrang tahimik kasi ni Ritz,” sabi ni Ejay, “bago mag-storycon, ipinatawag kaming tatlo, eh, sobrang tahimik ni Ritz. Ako kasi nanggaling din ako sa ganu’n na parang tinulungan ko siyang maging komportable kasi bagong artista, galing sa kabilang network ‘tapos kailangan mo siyang kausapin nang kausapin.”
Sa The Promise of Forever, manliligaw ni Ritz ang karakter ni Ejay. Sinundan niya ang dalaga hanggang sa ibang bansa para makasama. Pero nahulog naman ang loob ni Ritz kay Paulo, ang lalaking tumulong sa kanya noong bata pa siya pero iba ang pangalan, bagay na tinuklas niya.
Apat na karakter naman ang gagampanan ni Paulo sa iba’t ibang panahon bilang sina Lorenzo, Nicolas, Emil at Lawrence.
May dahilan kaya napunta sa Prague, Czech Republic, Bruges, Belgium, Amsterdam, Netherlands, Krakow, at Poland si Paulo.
“May panganib kasi o mga taong naghahanap sa karakter ko na si Lorenzo para mahanap nila kung ano ‘yung susi sa pagiging immortal niya at si Lorenzo ay napilitang magpalit ng katauhan at lumipat-lipat ng bansa para mawala (mailigaw) ‘yung mga naghahanap sa kanya.
“Itong mga bansang ito ang mga paborito niya kaya may mga properties na siya rito, may mga foundation siya sa mga lugar na ito na depende sa katauhan or identity na pinapasok niya o pinagpapanggapan niya,” kuwento ni Paulo.
Bakit marami ang orasan na ipinapakita sa programa?
“Actual na orasan po ‘yan na kinunan sa mga bansang pinuntahan namin, kung baga may kinalaman din kay Lorenzo na hindi nauubusan ng oras,” katwiran ulit nito.
Sino sa apat na karakter ang nagustuhan ni Paulo?
“Siguro gusto ko ‘yung modern na, si Lawrence or Nicolas kasi medyo close ‘yung time nila. Ang sarap mabuhay na ang dami mo nang alam at experience or pinag-aralan or knowledge in general. Parang gusto kong bumalik sa panahong ganito na ang utak ko.”
Ang The Promise of Forever ay mula sa Dreamscape Entertainment sa direksiyon nina Darnell Villaflor at Hannah Espia.