KABILANG sa mga hinangad ni Pangulong Duterte nang magsimula ang kanyang administrasyon ay ang pagbibigay-tuldok niya sa halos kalahating siglo nang rebelyon ng New People’s Army (NPA), at ang pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa mga Moro Liberation Front sa Mindanao. Nakipag-usap siya sa dati niyang guro sa Lyceum of the Philippines, si Jose Ma. Sison, ang nagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP), na kasama ang NPA at ang National Democratic Front (NDF), ay nangunguna sa makakaliwang pagkilos sa bansa ngayon.
Inimbitahan ni Pangulong Duterte ang CPP-NPA-NDF upang magrekomenda ng mga personalidad sa kanyang gabinete, at nagsumite si Fidel Agcaoili ng NDF ng 10 pangalan. Hindi nagtagal, itinalaga ng Pangulo si Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development; si Rafael Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform; at si Liza Maza naman ang lead convenor ng National Anti-Poverty Commission. Nagsimula rin ang negosasyong pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF, na ang una ay idinaos sa Oslo, Norway, at kalaunan ay sa Utrecht, Netherlands naman ginawa.
Ang ilang buwan ng matatagumpay na negosasyon ay nagresulta sa mga kasunduan sa repormang socio-economic at political-constitutional subalit magkaiba ang paninindigan ng dalawa sa usapin ng pagpapalaya sa mga political prisoner at sa isyu ng tigil-putukan. Matapos ang pagpapatuloy ng mga pag-atake ng NPA sa mga puwersa ng gobyerno, nagpasya si Pangulong Duterte na itigil na ang pag-uusap.
Nitong Agosto 16, humarap si Secretary Taguiwalo sa Commission on Appointments na nagpasyang ibasura ang pagkakatalaga sa kanya. At nitong Setyembre 6, hinarap at tinanggihan din ng kaparehong komisyon si Secretary Mariano.
Sa parehong kaso, sinabi ng mga kritiko na dapat na ipinagtanggol ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete sa Commission on Appointments, na karamihan ng kasapi — mga senador at kongresista — ay kanyang mga kaalyado. Ngunit dahil mistulang natuldukan na ang negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF, natural lamang na nawalan na ng gana ang Pangulo na idepensa pa sina Taguiwalo at Mariano.
Walang dudang tinalakay ang mga kuwalipikasyon ng dalawa, gayundin ang mga naging opisyal niyang desisyon at mga hakbangin. Kapwa kapuri-puri ang naging serbisyo ng dalawang kalihim sa kani-kanilang kagawaran. Subalit gaya ng ilang beses nang binigyang-diin, ikinokonsidera ng mga miyembro ng Commission on Appointments ang napakaraming bagay — kuwalipikasyon, kahusayan, opinyong pulitikal, interes ng kinabibilangang partido, pambansang kaunlara, at iba pa.
Ang pagbasura sa pagkakatalaga kina Taguiwalo at Mariano ay minalas na naging bahagi ng kabiguan ng mga negosasyon.
Subalit patuloy tayong umaasa na kalaunan ay maipagpapatuloy din ang mga pag-uusap upang tuluyan nang maisakatuparan ang matagal nang hinahangad na kapayapaan sa panig ng mga makakaliwang rebelde sa bansa.