Ni: Gilbert Espeña

TIYAK na aangat sa top 10 ng WBC world rankings si undefeated Filipino Edward Heno matapos talunin sa 7th round TKO si Japanese Seita Ogido para matamo ang bakanteng OPBF light flyweight title kamakalawa sa University of the Ryukyus, Nakagami, Japan.

Sa pagwawagi, tinuldukan ni Heno ang una nilang kontrobersiyal na laban noong nakaraang Mayo 21 sa parehong lugar na idineklara siyang nanalo sa 12-round split decision ngunit pinakialaman ni boxing promoter Joe Koizumi ang resulta ng laban at matapos repasuhin ang score cards ay idineklara na majority draw ang sagupaan kahit nabugbog-sarado at minsang bumagsak ang Hapones.

Naging agresibo si Heno sa unang anim na yugto ng sagupaan bago napabagsak at napatigil si Ogido sa 7th round para tuparin ang kanyang pangako na hindi na mauulit ang kontrobersiyal na pagtabla sa kanya ng Hapones sa pamamagitan ng scorecards.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May rekord ngayon si Heno na 11-0-5, tampok ang limang knockouts samantalang may kartadang 11-3-3, na may tatlong TKO si Ogido.

Inaasahang maitatala bilang pangunahing kontender ni WBC light flyweight champion Ken Shiro na isa ring Hapones si Heno na nakalistang No. 15 sa huling WBC ratings.